214 total views
Umaasa si Father Reginald Malicdem, Rector ng Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral na lalo pang yayabong ang debosyon ng mga mananampalataya sa Mahal na Birheng Maria dahil sa taunang pagsasagawa ng Pipe Organ Concert.
“Ito yung makakapagmulat din sa panibagong pananaw tungkol kay Maria at yung relasyon n’ya sa kan’yang anak na si Hesus, yung malalim na ugnayan nilang mag-ina at yung spirituality ng ating pagdedebosyon kay Maria at yung ating pananampalataya kay Hesus ay sana mapalalim sa musical na ito.” Pahayag ni Father Malicdem sa Radyo Veritas.
Palabas ngayong taon sa Pipe Organ Concert ang Magnificat, laman ng pagtatanghal ang pag-awit ng papuri ng Mahal na Birheng Maria sa Panginoon matapos siyang mahirang bilang ina ng tagapagligtas, at ang relasyon ng mag-ina simula ng pagkabata ni Hesus.
Ayon kay Father Malicdem, ang taunang pagpapalabas nito ay bahagi ng pagpapakita ng pag-unlad ng Sacred Music.
Bukod dito, tampok din sa Magnificat ang talentong Pilipino dahil ang musika ay binuo ni Maestro Ryan Cayabyab, ang titik ng mga awitin ay likha ni Mr. Nestor Torre at ang direskyon sa pagtatanghal ay ginawa ni direk Laurice Guillen.
Pinuri naman ni Apostolic Nuncio to the Philippines Abp. Gabriele Giordano Caccia ang Pipe Organ Concert.
Ayon sa Arsobispo, maraming paraan ng pagpupuri sa Panginoon at isa sa mga ito ay ang pag-aalay ng mga awitin at pagtugtog ng instrument.
“The important in our life is always to praise God, we praise God in the silence of our hearts, in the contemplation of our mind but also with our voices and with the instrument, this showcasing of many instrument liturgical show that we can praise God in many things because God is always present in us He has given so many talents and we should always be grateful to the Lord.” Pahayag ni Abp. Caccia sa Radyo Veritas.
Ayon kay Father Malicdem, ang Manila Pipe Organ ang pinaka malaki sa buong Pilipinas at buong South East Asia dahil sa humigit kumulang limang libong pipes nito.
Umaasa din ang Pari na sa pamamagitan ng taunang pagtatanghal ay mapupukaw ang interes ng mga mananampalataya sa pagpapahalaga sa liturgical music.