904 total views
Nababahala ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) sa plano ng pamahalaan na taasan ang buwis sa bansa.
Ito ay matapos ipahayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang layuning itaas ang singil sa buwis ilang buwan buwan bago matapos ang termino ng Administrasyong Duterte.
Ayon kay Rochelle Porras, EILER Executive Director, hindi napapanahon ang pagtataas ng buwis.
Ito ay dahil na rin sa hindi nakakatulong at pananatiling mabagal ang pagtugon ng pamahalaan sa pagharap sa iba’t ibang suliranin ng mga frontline health workers, mabagal na vaccinationa drive at kakulangan ng financial aid para sa mga mamamayang apektado ng COVID-19 ang kabuhayan.
“Makikitang napakabagal at hindi pa rin ito epektibo. Kulang-kulang pa rin ang suporta para sa sistemang pangkalusugan at sa mga health workers. Nananatiling mabagal ang pagpapabakuna lalo sa mga mahihirap na rehiyon. Kulang o walang ayudang natatanggap ang marami sa mga mamamayan, laluna yung mga tinatamaan ng COVID-19,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Porras sa Radio Veritas.
Paninindigan ng EILER, hindi dapat pasanin ng mamamayan, maliliit na negosyo at industriya ang mga pagbabayad ng utang ng pamahalaan higit na kung hindi naman nabenepisyuhan ang mga ito.
“Hindi dapat pasanin ng ordinaryong mamamayan at maliliit na industriya ang bigat ng pagbabayad ng utang na hindi naman nito napakinabangan,” ayon kay Porras.
Sa halip, ayon kay Porras, ay dapat ituon ng pamahalaan ang pagsingil ng buwis ng malalaking negosyante sa bansa.
Ayon sa mga datos ng EILER simula pa noong 2020, sa halip na malugi ng dahil sa pandemya at mas tumaas pa ng 10% hanggang 16% ang kita ng ilang bilyonaryong business tycoons sa Pilipinas.
“Dapat puntiryahin ng gobyerno ang mga malalaking negosyante na kumamal ng kita sa panahon ng pandemiya. Ayon sa mga datos, noong 2020, may ilang mga bilyunaryo na, sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya, ay tumaas pa ang yaman nang hanggang 10-16%,” pagbabahagi pa ni Porras.
Una ng nanawagan ang Kaniyang Kabanalang Francisco sa bawat economic leaders sa buong mundo na magpatupad ng mga economic policies na isasama maging ang pinakamahihirap na mamamayan sa lipunan tungo sa pag-unlad.