582 total views
Inihayag ni Cebu Archbishop Jose Palma na nasa proseso pa ang paghati o paghihiwalay sa nasasakupan ng Archdiocese of Cebu.
Ayon kay Archbishop Palma layunin nitong higit mapaglingkuran ang mananampalataya sa lalawigan na tinatayang mahigit sa apat na milyong katoliko.
Ang pahayag ng arsobispo ay kasunod ng ordinasyon ni Bishop Ruben Labajo bilang Auxiliary Bishop ng arkidiyosesis.
“In the process na g’yud kining pagtunga [ang ating paghati] sa Archdiocese (Cebu). Actually dugay na ning plano pero sige na ang atong process karon [matagal na itong binabalak pero nasa proseso na tayo] , this aims to serve more people, especially in the far-flung areas in Cebu province,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Si Bishop Labajo ang ikalawang katuwang na obispo ng arkidiyosesis kasama ni Bishop Midyphil Billones habang dalawang obispo rin ang retirado na sa tungkulin sina Bishop Antonio Ranola at Bishop Emilio Bataclan.
Paliwanag ni Archbishop Palma, malawak ang Archdiocese ng Cebu na binubuo ng 174 mga parokya kabilang na ang nasa iba’t ibang isla ng lalawigan.
Matatandaang una nang inihayag ni Archbishop Palma ang planong paghati sa arkidiyosesis nang maitagala itong arsobispo noong 2011.
Suportado naman ng namayapang Cardinal Ricardo Vidal, dating arsobispo ng Cebu ang ninanais ni Archbishop Palma sapagkat makabubuti upang mapaglingkuran ang mga pangangailangan ng mga mananampalataya.
Mungkahi noon ni Cardinal Vidal na hatiin sa tatlo ang Archdiocese of Cebu, ang North Cebu, Metro Cebu at South Cebu.
Sa kasalukuyan kabilang sa suffragan diocese ng Ecclesiastical Province ng Cebu ang Dumaguete, Maasin, Talibon at Tagbilaran.