1,718 total views
Pinaigting ng BAN Toxics ang panawagan upang isulong ang plastic-free sari-sari stores upang maibsan ang suliranin ng basura sa bansa.
Inilunsad ng grupo ang “Kahit konting pagTINGI” campaign kasabay ng paggunita sa International Plastic Bag Free Day na layong ipakita na ang kulturang “Tingi-tingi” ng mga Filipino ay maaaring hindi gumamit ng plastik tulad ng mga pamayanang nagsasagawa na nito sa loob ng maraming taon.
Ayon kay BAN Toxics executive director Rey San Juan, nais ng grupo na isulong ang retailing o pagtitingi na may maingat na pagkakaunawa sa muling pagpupuno o refilling.
“Refilling as a business model is going to be a changemaker of our time, yet again. It has been tested by a number of social enterprises that also share the mission to help address plastic pollution.” ayon kay San Juan.
Hiling ng grupo ang buong pagsuporta ng pamahalaan upang ipakilala ang konsepto ng refilling, reuse o muling paggamit, at iba pang alternatibong pamamaraan sa mga pamayanan upang matugunan ang pagdami ng basura sa kapaligiran.
Hinikayat din ni San Juan ang mga negosyante na mamuhunan at makipagtulungan upang isulong ang paglikha ng plastic-free refilling store sa bansa.
“Urgent action is needed to reduce the impact of plastic packaging waste into the environment. We also call on the industry, supply chains, and retail stores to seriously invest and work together to start establishing plastic-free “refilling” stores to minimize the use of plastic packaging and contribute to beat plastic pollution.” saad ni San Juan.
Ayon sa World Bank, lumilikha ang Pilipinas ng 2.7 milyong tonelada ng basura taon-taon kung saan halos 28 porsyento lamang nito noong 2019 ang na-recycle.
Batay naman sa pag-aaral ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA) noong 2019 na ang bansa na tinaguriang ‘sachet economy’ ay gumamit ng 163 milyong plastic sachet packets, 48 milyong shopping bags, at 45 milyong thin film bags.
Patuloy ding isinusulong ng BAN Toxics ang Zero Waste campaign bilang pangunahing paraan upang mabawasan ang paglikha ng plastic waste sa pamamagitan ng konsepto ng reduce, reuse, at recycle sa mga pamayanan.
“We want to curb the consumption of single-use plastics (SUPs) and sachets and promote ‘reuse’ among consumers and shoppers. A radical change in shopping habits requires shifting to sustainable packaging alternatives.” giit ng grupo.
Una nang iginiit ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si’ na bawasan ang paggamit ng mga plastic at iba pang disposable materials upang mabawasan ang nalilikhang basura na nagiging tambak lamang sa kapaligiran.