476 total views
Magsisimula na ngayong araw, February 28 hanggang sa March 2 ang United Nations Environment Assembly o UNEA 5.2 sa Nairobi, Kenya.
Layunin ng pagtitipon na talakayin ang mga mahahalagang usaping pangkalikasan na kinakaharap sa buong mundo.
Kaugnay nito, nananawagan ang EcoWaste Coalition sa mga kinatawang dadalo sa UNEA 5.2 na sumang-ayon sa pagkakaroon ng maayos na negosasyon sa matibay na kasunduan upang mapigilan at matugunan ang lumalalang plastic pollution sa kapaligiran.
“Para sa EcoWaste Coalition, ang isang malakas na tratado (treaty) ang dapat itapat sa pangdaigdigang krisis sa polusyong plastik. Kung hindi komprehensibo at matibay ang mapagkakasunduan ay hindi mabibigyang lunas ang problemang plastik,” pahayag ng grupo.
Giit ng EcoWaste, hindi lamang nakatuon sa usapin ng basura ang plastik dahil nakaugnay din ito sa usapin ng nakalalasong polusyon, patuloy na pagbabago ng klima ng mundo, at ang kaligtasan at katarungan para sa mga apektadong komunidad.
Batay sa tala, taun-taon ay aabot sa 400-milyong tonelada ng plastik ang nalilikha, ngunit hindi pa umaabot sa 10-porsyento nito ang nare-recycle.
Ayon naman sa Science Advances journal, 466 na ilog sa Pilipinas lamang ang naglalabas ng halos 400-libong metriko tonelada ng basurang plastik kada taon.
Pito naman sa 10 ilog na malaki ang ambag sa plastic pollution sa mga karagatan sa buong mundo ay matatagpuan sa Pilipinas.
Ito ay ang mga ilog ng Pasig, Tullahan, Meycauayan, Pampanga, Libmanan, Rio Grande de Mindanao, at ang Agno.
Samantala, umaasa naman ang EcoWaste na magkakaisa ang mga bansa sa UNEA 5.2 sa pagbalangkas ng matibay na kasunduan para sa epektibong pagtugon sa plastic pollution na nagdudulot nang matinding banta sa kalusugan, kalikasan at kinabukasan ng mga tao at sangnilikha.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, hinihimok nito ang bawat mananampalataya na maging mabuting katiwala ng kalikasan at pagyabungin ang likas na yamang makatutulong sa makatwirang pag-unlad ng pamayanan.