2,457 total views
Hinamon ng BAN Toxics ang pamahalaan na isulong ang pagkakaroon ng Plastic Treaty upang matugunan ang lumalalang plastic pollution sa bansa.
Ayon kay BAN Toxics Policy and Research Associate Jam Lorenzo, dapat paigtingin pa sa bansa ang mga batas laban sa plastic, kabilang na ang pag-iwas at pag-iingat sa paggamit ng anumang uri nito.
“Moreover, sustainable production and consumption of plastics should include a mechanism for controlling virgin plastic production through caps, phase downs, and polymer restrictions. Reimagining the design of plastic products is another essential element that can be achieved through sustainability criteria, restrictions, and requirements,” ayon kay Lorenzo.
Iginiit ni Lorenzo na mahalagang malinaw na naipababatid sa publiko ang mga kemikal na ginagamit sa paglikha ng plastic upang makatulong sa layuning mabawasan ang plastic pollution, maging sa pagsusulong sa karapatan ng publiko para sa kaalaman at kaligtasan.
Dagdag pa ng grupo na dapat ding matiyak na kabilang sa kasunduan ang pagpapahalaga sa karapatan ng mga apektadong pamayanan lalo na ang informal waste pickers, sapagkat sila ang responsable sa 50-porsyento na nakokolektang plastic sa buong mundo, at mahalagang mapagkukunan ng kaalaman hinggil sa wastong pamamahala sa plastic.
“We urge the Philippine government to support their full participation throughout the negotiations to share expertise essential for developing effective approaches and enabling visibility, protection, and the opportunity to be part of solutions,” saad ni Lorenzo.
Batay sa tala ng World Bank, aabot sa 2.7 milyong toneladang plastic waste ang nalilikha sa Pilipinas bawat taon, kung saan 28 porsyento lamang nito ang na-recycle.
Kilala rin ang Pilipinas bilang ‘sachet economy’ dahil sa paggamit ng 59.8 bilyong piraso ng plastic sachet, batay sa pagtataya ng Global Alliance for Incinerator Alternatives noong 2019.
Una nang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa pamamagitan ng Laudato Si’ na bawasan na ang paggamit ng mga plastic at iba pang disposable materials upang mabawasan ang nalilikhang basura na nagiging tambak lamang sa kapaligiran.