14,507 total views
Ito ang apela ni Bishop Rafael Cruz makaraang matanggap ang episcopal ordination nitong September 7, 2024 sa St. John the Evangelist Cathedral sa Dagupan City, Pangasinan.
Batid ni Bishop Cruz ang kaakibat na malaking hamon sa pagsisimula ng kanyang gawaing pagpapastol sa Diocese of Baguio kaya’t mahalaga ang mga panalangin para sa ikatatagumpay ng kanyang gawain.
Hiniling ng bagong obispo sa mga kapwa punong pastol ng mga diyosesis sa bansa ang panalangin at paggabay sa mga gawain bilang pastol ng isang diyosesis.
“To my brother bishops, please pray for me, you know how challenging a bishop’s life is, also please teach me and guide me, you have been in here, I am just starting, I need your guidance. Let me learn from your experiences,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cruz.
Gayundin ang hiling nito sa mga kapwa pari ng Archdiocese of Lingayen Dagupan sa pamumuno ni Archbishop Socrates Villegas na nagsilbing principal consecrator sa obispo.
Samantala bukod sa panalangin hiniling ni Bishop Cruz sa mga pari ng Diocese of Baguio ang pakikipagtulungan at paggabay sa mga gawain ng diyosesis kasabay ng pangakong paninindigan sa lahat ng mga desisyong mapagkakasunduan.
“Please the clergy of Baguio, help me and counsel me all for the care of souls. I promise you this, if you advised me of anything and I heeded your advice and decided accordingly but then your advice did not work out well, promise, I will not blame you. I will take also full responsibility of my decision,” ani Bishop Cruz.
Tiniyak ng obispo ang patuloy na panalangin para sa bawat isa at ang panawagan sa mahigit kalahating milyong katoliko sa diyosesis na maging aktibong bahagi ng simbahang naglalakbay.
“To the faithful of the Diocese of Baguio, pray to this servant of yours. Let us all be active participants in this synodality of the Catholic church, let us work and walk together and with others toward Jesus,” saad ng obispo.
Sa kabila ng paghihirap na dinanas ni Bishop Cruz sa araw ng kanyang ordinasyon dahil sa pinsalang tinamo sa kaliwang paa dahil sa aksidente ay patuloy itong nanalig sa pag-ibig at paggabay ng Panginoon upang tuwangan sa tungkuling iniatang sa kanyang pangangalaga.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Archbishop Villegas ang karanasan ng bagong obispo ay paalala lamang sa bawat isa na dapat ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng gawain lalo na sa pagmimisyon.
“Si Bishop Raffy ay nagkaroon ng aksidente bago ma-ordain pero ang totoo po noon ay paalala ito sa atin na tayong lahat ay nangangailangan nbg tulong ng Diyos para magawa natin maipagpatuloy ang ating misyon,” ayon kay Archbishop Villegas.
Matatandaang June 20, 2024 nang itinalaga ni Pope Francis si Bishop Cruz bilang ikatlong obispo ng Baguio na hahalili kay nooy Bishop Victor Bendico na itinalagang arsobispo ng Archdiocese of Capiz.
Tinuran ni Bishop Cruz na natatanging araw ang pagtanggap ng episcopal ordination dahil bukod sa bisperas ito ng Kapistahan ng Pagsilang kay Maria ito rin ang araw na naordinahang pari noong 1985 sa parehong simbahan kaya’t muli rin nitong inihandog ang kanyang sarili bilang kaloob sa Mahal na Inang mapagkalinga.
Katuwang ni Archbishop Villegas sa ordinasyon kay Bishop Cruz sina Archbishop Bendico at Parañaque Bishop Jesse Mercado na nagsilbing Spiritual Director ng obispo.
Humigit kumulang sa 50 obispo ang dumalo sa pagdiriwang kabilang na si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown na nagpasalamat kay Bishop Cruz sa pagtugon sa tawag ng paglilingkod bilang obispo.
Bagamat sasailalim sa operasyon ang ankle injury itinakda naman ang pormal na pagluluklok kay Bishop Cruz bilang ikatlong obispo ng Baguio sa September 17 sa pangunguna ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula katuwang si Archbishop Brown.