235 total views
Mga Kapanalig, sa pagbubukas ng isang bagong taon, may naghihintay na isang malaki at mahalagang pagbabagong maaaring maganap sa buhay ng ating mga kababayang Muslim.
Gaganapin sa ika-21 ng Enero ang isang makasaysayang plebesito sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao, o ARMM, kung saan sasang-ayunan o tatanggihan ng mga nakatira roon ang pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, o BARMM. Matatandaang noong Hulyo ng nakaraang taon, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Bangsamoro Organic Law, o BOL, na ipinasá ng Kongreso bilang pagsasakatuparan ng isang kasunduang napagtibay ng pamahalaang Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front o MILF matapos ang maraming taóng pag-uusap upang wakasan ang digmaan sa pagitan nila. Nakikita ng maraming Muslim sa Mindanao, pati na ang ibang mga Pilipinong di-Muslim, na maaaring maging daan ang pagsasabatas ng BOL tungo sa kaunlaran at kapayapaan sa maraming lugar sa Mindanao. Makatutulong daw ito lalo na sa mga hindi nakararanas ng kaunlaran at hindi naaabot ng mga serbisyong pampubliko dahil sa kaguluhan at digmaan. Nakikita rin itong simula ng pagsasakatuparan ng matagal nang inaasam-asam ng ating mga kababayang Muslim na sariling pamamahala.
Upang ganap na maipatupad ang naturang batas, kailangang sumang-ayon ang mga naninirahan sa itatalagang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, hindi lamang sa pagtatalaga ng teritoryong ito, kundi sa pagtatatag rin ng isang istruktura ng pamamahalang magpapatakbo ng pamahalaan sa loob ng naturang teritoryo. Bahagi ng istrukturang ito ang pagkakaroon ng isang Pamahalaang Bangsamoro, o Bangsamoro Government, na sumasailalim sa Saligang Batas ng Pilipinas at sa pangkalahatang pagsubaybay, o “general supervision” ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Magkakaroon ang Pamahalaang Bangsamoro ng sariling punong-tagapamahala na tatawaging Chief Minister, sariling lehislatura o parlyamento, at sariling hudikatura.
Kapag nasang-ayunan ng karamihan ng nasasakop ng BARMM ang BOL sa darating na plebesito, malilikha ang isang Bangsamoro Transition Authority upang pamunuan ang paglilipat ng kasalukuyang pamamahala sa ARMM tungo sa BARMM. Ang unang regulár na halalan para sa Pamahalaang Bangsamoro ay gaganapin sa taóng 2022.
Mga Kapanalig, hindi marahil ganap na nauunawaan ng marami sa ating mga kababayang di-Muslim ang kahalagahan ng plebesitong darating at ng pagkakaroon ng isang Pamahalaang Bangsamoro sa teritoryo ng BARMM. Marami marahil ang may agam-agam, natatakot, o sadyang walang tiwala sa kakayahan ng ating mga kapatid na Muslim na pamahalaan ang kanilang sarili at ang kanilang kaunlaran. Dapat nating alalahaning mahaba at masinop ang naging proseso ng usapang-pangkapayapaang nagbunga ng kasunduang naging batayan ng Kongreso sa pagsasabatas ng BOL. Napakahaba na rin ng paghihintay ng mga kababayan natin sa Mindanao para sa kapayapaan.
Maging ang katuruan ng ating Simbahang Katolika ay sinasang-ayunan ang prinsipyo ng sariling pamamahala ng mga tao, lalung-lalo na ang mga taong napag-iwanan ng kaunlaran, silang nasa laylayan kung tawagin, at ang mga matagal nang naisantabi ng lipunan. Ito ay upang sila ay magkaroon ng higit na pakikilahok at pakikibahagi sa kanilang kaunlaran. Hinihingi rin ito ng katarungan. Naipagkait sa mahabang panahon sa mga kapatid nating Muslim ang karapatan nilang pamahalaan ang lupaing kanilang nakagisnan, pinagyaman, at ipinagtanggol laban sa mga dayuhang mananakop ngunit sinakop lamang ng mga kapwa nila Pilipino. Ang pagwawasto sa pagkakait ng katarungang dulot ng kasaysayan, o masasabi sa wikang Ingles na “historical injustice”, ang nasa puso ng BOL at pagtatatag ng BARMM.
Mga Kapanalig, mahalagang mapakinggan sa darating na plebesito ang boses ng mga napagkaitan ng kasaysayan ng katarungan. Ipanalangin nating maging mapayapa, malinis, at maayos ang pagdaraos ng plebesitong ito.
Sumainyo ang katotohanan.