2,968 total views
Inilunsad ng Cooperative Development Authority (CDA) katuwang ang Philippine Charity Sweepstakes Office ang Program on Medical Assistance for Cooperatives (PMAC).
Ito ay upang matulungan sa kanilang pangangailangang medikal ang mga miyembro ng 16 na magkakaibang kooperatiba sa Metro Manila, Calabarzon Region at MIMAROPA Region.
Ayon kay CDA Chairman Joseph Encabo, bagamat ngayong taon ay magsisimula sa 16 na indibidwal ang magiging benipesyaryo ng PMAC ay layunin itong mapalawig sa buong bansa ng ahensya katuwang ng PCSO.
“Ito ay isang joint program venture ng PCSO atsaka ng CDA na kung saan ito ay isang pagkakataon na base po sa mandato ng PCSO na magbibigay ng mga medical assistance, cover po nito ang mga individual na nabibilang sa sektor ng kooperatiba at dahil po isa to sa mga special programs ng PCSO para sa mga members ng cooperatives,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Encabo.
Inaasahan rin ng CDA na sa bisa ng paglulunsad ng programa ay higit na lalalim ang kaalaman ng mamamayan hinggil sa programa ng pamahalaan upang makalikom ng sapat ng pondong gagamitin sa pagpapalawig ng PMAC.
“Sa lahat po ng mga members natin sa ating cooperative sector lalong-lalo na sa mga micro and small cooperatives mayroon po tayong special na program para sa pang-medical lalong-lalo na sa mga members na talagang hirap punan ang kanilang financial requirement upang mabayaran ang kanilang gamot at ang mga bayarin sa ospital, nandito po ang CDA at PCSO upang ma subsidize ang kanilang pangangailangan,” ayon pa sa mensahe ni Encabo sa PMAC launch.
Naging panauhin sa sa PMAC launch si Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go upang ipamahagi sa 16-benipesyaryo ang kanilang mga medical assistance.
Itinuturing ni Radio Veritas President Fr. Anton Pascual na ang pagtataguyod ng kapakanan ng mga miyembro ay pamamaraan upang makaahon ang mga mahihirap na miyembro nito sa kahirapan.