426 total views
Naghandog ng misa pasasalamat ang Diyosesis ng San Pablo para sa yumaong dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Ang Pasiyam o novena mass ay ginanap sa Cathedral Parish of Saint Paul the First Hermit bilang pagpaparangal at pagkilala sa paglilingkod ni PNoy para sa bansa.
Ayon kay San Pablo Vicar General Msgr. Jerry Bitoon – Rector at Parish Priest ng San Pablo Cathedral, bukod sa pag-aalay ng misa ay nagkaloob rin ng maikling programa bilang pag-alala sa naging buhay at mahalagang nagawa ng dating pangulo ng Pilipinas.
Paliwanag ng Pari ang mga alaala at mga nagawa ng taong nabuhay at namuno ng matuwid sa bayan ay dapat na tinutularan at ipagpatuloy.
“But they are not supposed to be memory in books, written in books or recorded, or just in our memory, kinakailangan ang kanilang simulain ay patuloy nating ipinapahayag, prinopromote, ipagtatanggol kung kinakailangan, ipaglalaban, tuloy ang laban ni PNoy,” ang bahagi ng pahayag ni Msgr. Bitoon.
Pagbabahagi ni Msgr. Bitoon, bukod sa matuwid na pamumuhay ng dating Pangulong Aquino ay hindi rin matatawaran ang katapatan sa kanyang pangako sa kanyang ama at ina na pagpapatuloy sa kanilang mga nasimulan para sa bayan.
“If there is one characteristic of this man na talagang hahanga tayo is loyal siya sa ipinangako ng kanyang amang si Ninoy na itutuloy mo kung ano ang kanyang nasimulan, itinuloy niya ang naiwan ng kanyang inang Corazon Aquino, ang buhay ni PNoy ay alam natin ay hindi lamang siya sa kanyang mga magulang nagpahayag ng loyalty, kundi loyalty o fidelity to his state, to God,” dagdag pa ni Msgr. Bitoon.
Una ng pinasalamatan at kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang namayapang pangulo na naging katuwang ng simbahan sa mahahalagang gawain tulad ng Canonization ni Blessed Pedro Calungsod noong 2012, Apostolic Visit ng Kanyang Kabanalan Francisco noong 2015, at 51st International Eucharistic Congress sa Cebu City noong 2016.
Si PNoy ay pumanaw sa edad na 61 noong June 24, dahil sa renal disease secondary to diabetes.