168 total views
Nanawagan ang mga makakalikasang grupo sa Administrasyong Aquino na itigil na ang mga masasamang proyekto nito na pumapatay sa buhay ng kalikasan at sa buhay ng komunidad na nakadepende dito.
Ayon kay Clemente Bautista, National Coordinator ng Kalikasan Peoples Network for the Environment, may nalalabi pang panahon si Pangulong Benigno Aquino III upang bawiin ang mga inaprubahan nitong programa na sisira sa kalikasan at sa pamayanan.
“Itigil na dapat nila yung kanilang masasamang proyekto at programa. Nagbabantay kami lalo na dito sa DENR na may kasaysayan ng mga midnight deal, duon sa mga panahon na magpapalit ng administrasyon, babantayan namin kayong mabuti”.Pahayag ni Bautisya sa Radyo Veritas.
Babala pa ni Bautista, nangangalap na ang kanilang grupo ng mga impormasyon at ebidensya laban sa Department of Environment and Natural Resources, at nakahanda itong magsampa ng kaso laban sa ahensya upang mapanagot sa kanilang mga illegal na gawain.
Samantala lubha namang ikinabahala ni Jaybee Garganera, National Coordinator ng Alyansa Tigil Mina ang tila pagmamadali ng mga minahan sa pagsasagawa ng operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad sa Manicani Island, Guian Eastern Samar, Sta. Cruz, Zambales, at Nara Palawan.
Aniya sa kabila ng suspension order sa mga mining operations, nasaksihan ng mga residente ang labis-labis na pagkuha ng mineral sa kanilang mga lalawigan.
Hinala ng grupo, minamadali ng mga kumpanya ang kanilang operasyon dahil malaki ang posibilidad na ipasara ito ng susunod na administrayon.
“Baka itong mga minahang kumpanya ay nagmamadali, at lahat ng pwede nilang gawing pagmimina ay gagawin nila hanggang sa ika-30 ng Hunyo, dahil baka inaasahan nila na pag-upo ng Duterte Administration ay talagang mapigilan at mapatigil yung kanilang mga iligal na operasyon.” Pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Samantala, sa ilalim ng administrasyong Aquino naaprubahan ang pagpapatayo ng 27 Coal Power Plants, hanggang taong 2020, gayung mayroon nang 17 kasalukuyang nag o-operate sa bansa.
Gayun din sa ilalim ng Aquino administration, umabot sa 1,828 ang mining applications sa bansa, habang mayroon namang 47 large scale mining na kasalukuyang nag-o-operate sa Pilipinas.
Sa Laudato Si ng kanyang kabanalan Francisco binigyang diin nito na ang mga Lider ng bawat bansa ang syang dapat manguna sa pagprotekta sa kalikasan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga polisiyang mangangalaga at magpapaunlad dito.