413 total views
Pormal nang ibinahagi ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conferences of the Philippines at Philippine National Police ang joint statement ng dalawang institusyon kaugnay sa pagpapatatag ng programang ‘Ugnayan ng Simbahan at Pulisya’ (USAP).
Pinangunahan ni Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace at PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang higit na pagpapaigting ng ugnayan at pagtutulungan ng Simbahan at pulisya para sa kapakanan ng bayan kasabay ng pagdiriwang ng ika-29 na anibersaryo ng PNP-Chaplain Service.
Una ng nilagdaan ng social action arm ng CBCP at pamunuan ng PNP ang naturang Memorandum of Understanding noong ika-28 ng Hunyo, 2021 bilang bahagi na rin ng patuloy na paggunita sa 500 years of Christianity in the Philippines at 29th Founding Anniversary ng Philippine National Police – Chaplain Service.
Ayon kay Bishop Bagaforo, bahagi rin ng kasunduan ang maayos na pagtutulungan ng Simbahan at ng pulisya para sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
“Sa aking palagay itong ginawa namin na Memorandum of Understanding with the Philippine National Police sa pamamagitan ng pag-strengthen nitong USAP magiging malaki ang impact at magiging malaki ang magiging tulong sa ating lipunan at saka sa darating na halalan on May 2022,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo, mahalaga ang ugnayan at pagtutulungan ng dalawang institusyon upang matiyak ang kaayusan, katapatan at kapayapaan sa nakatakdang halalan sa May 2022 lalo na sa mga lugar kung saan mas lantad ang panganib hindi lamang para sa mga kandidato at nangangasiwa ng eleksyon kundi maging sa mga botante.
“Malaki ang magiging tulong kung sa ganitong hangarin, kung ang Simbahan at pulisya ay magtutulungan sapagkat alam naman natin in some areas ay maraming mga gusot, maraming mga hindi kanais-nais na pangyayari. Kapag itong dalawang institusyon sa aking palagay ang Simbahan saka ang pulisya ay magkaisa at magtulungan mas magiging madali na maresolve kung meron mang mga conflicts at mas madali mabigyan ng solusyon kung meron mang kinakailangan na mabigyan ng lunas sa mga in the conduct or during the election,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Layunin ng higit na pagpapaigting sa Ugnayan ng Simbahan at Pulisya (USAP) na magkaroon ng mas matibay na pagtutulungan ang mga otoridad at mga opisyal ng Simbahan hindi lamang ng mga Kristyano’t Katoliko kundi maging sa iba pang mga denominasyon sa buong bansa.
Bahagi rin ng layunin ng USAP na mas matutukan pa ang spiritual transformation o pagpapabago sa pananaw ng nasa 190,000 mga kawani ng PNP sa kanilang misyon na protektahan ang lipunan sa isang makatao at maka-Diyos na pamamaraan.