260 total views
Tiniyak ng Philippine National Police ang pakikipagtulungan sa bagong hirang na anti-drug czar na si Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Brig. General Bernard Banac, tagapagsalita ng Philippine National Police, bukas din ang PNP sa mungkahi ni Robredo na itigil na ang Oplan Tokhang na una na ring iniuugnay sa mga pagpaslang sa mga small time drug pusher.
“Tayo po ay handang makipagtulungan sa ating Vice-president Leni Robredo lalu na sa kanyang hangarin na tratuhin ang problema sa ilegal na droga hindi lamang bilang krimen but a health issue. At sa kadahilanang ito ay upang mapigilan na ang anumang insidente ng unnecessary deaths,” pahayag ni Banac sa panayam ng Radio Veritas.
Umaasa din Banac na lalung magiging matagumpay ang programa ng gobyerno laban sa ilegal droga sa pagkakabilang ni Robredo bilang co-chaiperson ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Tiniyak din ni Banac ang pagtalima ng higit sa 200 libong pulis sa buong bansa sa mga pagbabagong magaganap sa ilalim ng pamumuno ng bise-presidente.
“Kapag may panibagong order ang lahat naman ay tumatalima base sa umiiral na programa,” dagdag pa ni Banac.
Nauna nang nagpahayag ng suporta ang ilang opisyal ng Simbahang Katolika sa pagtanggap ni Robredo sa hamon at umaasang maisakatuparan ang kampanya na may paggalang at pagpapahalaga sa buhay ng bawat mamamayan.
Read: Pagiging drug czar ni Robredo, pinuri ng mga opisyal ng CBCP