1,448 total views
Ibinahagi ng Philippine National Police – Chaplain Service ang paghingi ng panalangin para sa hanay ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas sa kinatawan ng Santo Papa Francisco sa bansa.
Ito ang ibinahagi ni PNP-Chaplain Service Director Police Brigadier General Msgr. Jason Ortizo sa kanyang personal na pakikipagpulong kay Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown makaraang maanyayahan sa Apostolic Nunciature noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Ayon kay General Ortizo, bilang kinatawan ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas ay ipinaabot ni Archbishop Brown ang kanyang pasasalamat sa maagap at magandang serbisyo na ipinagkakaloob ng PNP upang siya magabayan sa kanyang tungkulin bilang kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas.
“Nainvite po tayo ng ating Papal Nuncio dahil actually nag-express po siya ng pasasalamat sa PNP sa lahat ng mga services na pinoprovide natin sa kanyang opisina sa Nunciature at siya ay tuwang tuwa kasi siya sa ating mga collaboration, sa ating tulong na maipaabot natin sa opisina niya at sa kanya. So that dinner was reserved purposely to express his heartfelt gratitude in behalf of me to the entire PNP organization.”pahayag ni Msgr. Ortizo sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni General Ortizo, nagkaroon rin siya ng pambihirang pagkakataon upang ibahagi sa Papal Nuncio ang mga kasalukuyang programang isinusulong ng PNP partikular ang revitalized KASIMBAYANAN program.
Ayon kay General Ortizo kabilang din sa kanyang ibinahagi kay Archbishop Brown ay ang puspusang isinasagawang internal cleansing campaign upang malinis ang hanay ng PNP mula sa iba’t ibang mga problema tulad ng ilegal na droga.
“Nagkaroon din ako ng panahon to discuss with him [Papal Nuncio] our programs yung KASIMBAYANAN Program ng ating mahal na Chief PNP at yung ating internal cleansing campaign and of course hinihingi din natin yung kanyang patuloy na pagdarasal para sa ating mga kapulisan.” Dagdag pa ni General Ortizo.
Naganap ang dinner meeting noong ika-28 ng Nobyembre, 2022 sa Embassy of the Holy See (Apostolic Nunciature), Taft Ave., Malate, Manila.
Matatandaang pinangangasiwaan ng Philippine National Police – Chaplain Service ang revitalized KASIMBAYANAN Program ng PNP upang paigtingin at pagtibayan ang ugnayan ng mga pulis, komunidad at ng mga faith-based groups.