373 total views
May 21, 2020, 1:35PM
Nagpaabot ng pasasalamat ang Philippine National Police – Chaplain Service sa pamilya ng mga pulis na nagsisilbi ring frontliners sa krisis na dulot ng pandemic na Coronavirus Disease 2019.
Ayon kay PNP – Chaplain Service Director Rev. Fr. (PCOL) Jason D. Ortizo, malaki ang tulong ng suporta at panalangin ng pamilya ng mga frontliners tulad ng mga pulis upang lalong lumakas ang loob ng mga ito sa pagharap sa kanilang tungkulin sa kabila ng banta ng nakahahawa at nakamamatay na COVID-19.
Iginiit ng Pari na mahalaga ang pagkakaroon ng suportang pang-espiritwal at moral lalo na sa gitna ng pandemya kung saan puno ng takot, pangamba at pag-aalinlangan ang lahat mula sa COVID-19.
Ibinahagi ni Fr. Ortizo na ang pagkakalantad sa kapahamakan ang isa sa hamon ng pagkakaroon ng mahal sa buhay na frontliners tulad ng mga doctor, nurse at maging ng mga pulis.
“Ang mga pamilya naman ng mga kapulisan ay laging sumusuporta sa mga trabaho nila talagang iniintindi nila at nilalakasan na rin nila yung kanilang mga loob sa ganitong panahon. Sa mga naging frontliners, kasama na yun sa isa sa mga challenges sa miyembro ng pamilya kaya pasalamatan din natin ang mga pamilya ng ating mga kapulisan.” pahayag ni Fr. Ortizo sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang hinimok ni Fr. Ortizo ang mga pulis na nagsisilbing frontliners na manalangin kasabay ng pagtugon sa kanilang tungkulin na tiyakin ang kaligtasan ng bawat isa mula sa banta ng COVID-19.
Ayon sa Pari, bukod sa pagsunod sa mga medical procedures ay mahalaga rin ang tulong at paggabay ng Panginoon upang ipag-adya ang bawat isa mula sa kumakalat na sakit.
Batay sa pinakahuling tala ng PNP Health Service noong ika-18 ng Mayo, umaabot na sa 250 ang bilang ng PNP personnels na nagpositibo sa COVID-19 kung saan may 538 ang suspected Persons Under Investigation at 754 naman ang patuloy na binabantayan bilang probable persons under investigation.