1,393 total views
Nagpahayag ng pakikiisa ang Philippine National Police – Chaplain Service sa pagsagawa ng ‘Pitong Araw na Pananalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano’ o Week of Prayer for Christian Unity 2023.
Ayon kay PNP-Chaplain Service Director Police Brigadier General Msgr. Jason Ortizo, mahalaga ang pagkakaisa ng mga Kristiyano at iba pang pananampalataya.
“Of course talagang patuloy ang ating suporta diyan ang pagkakaisa ng mga Kristiyano at sa iba pang mga pananampalataya, sa iba pang paniniwala at magkaisa tayong lahat dahil isa lang naman ang sinasamba nating Diyos, ang Diyos po nating lahat at kung saan tayo ay nagmula.” pahayag ni Msgr. Ortizo sa Radio Veritas.
Nilinaw naman ni General Ortizo na hindi lamang basta ecumenism ang isinusulong ng PNP-Chaplain Service sa PNP sa halip ay ang interfaith para sa lahat ng denominasyon at relihiyon.
Tiniyak ni General Ortizo na bukas ang ahensya para sa lahat ng mga paniniwala at pananampalataya.
“Ang PNP ay hindi lang actually ecumenism but we are interfaith, hindi lamang ang pinapalaganap namin hindi lamang pagkakaisa sa mga Kristiyano but interfaith sa lahat po ng relihiyon. Dagdag pa ni General Msgr. Ortizo.
Tema ng Week of Prayer for Christian Unity 2023 o Pitong Araw na Pananalangin para sa Pagkakaisa ng mga Kristiyano ang ‘Do Good. Seek Justice’ na layuning pagbuklurin ang pamayanan sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya tungo sa iisang hangaring maging lingkod ng Panginoon.
Batay sa tala ginagabayan ng PNP-Chaplain Service ang buhay espiritwal at moral ng may humigit kumulang sa 227,000 kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas sa buong bansa.