1,032 total views
Puspusan ang pagsusulong ng Philippine National Police – Chaplain Service sa revitalized KASIMBAYANAN program ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Personal na pinangangasiwaan ni PNP-Chaplain Service Director Police Brigadier General Msgr. Jason Ortizo ang higit na pagpapalawak at pagsusulong ng programa sa pamamagitan ng pagbisita sa iba’t ibang kampo ng PNP.
Bahagi ng naging pastoral visitation ni General Ortizo sa Police Regional Offices ng PNP sa Leyte at Southern Leyte ay ang personal na pakikipagdayalogo kay Diocese of Maasin Bishop Precioso Cantillas kaugnay sa revitalized KASIMBAYANAN Program sa lalawigan.
Tinalakay ang mahalagang papel na ginagampanan ng religious sector o mga kura paroko sa bawat parokya upang magsilbing gabay sa pagkakaroon ng mas matatag na ugnayan sa pagitan ng Simbahan, pamayanan at mga kapulisan sa pagsasabuhay ng Malasakit, Kaayusan at Kapayapaan tungo sa Kaunlaran.
“PBGEN JASON D ORTIZO, Director, CHS, conducted Dialogue on Kasimbayanan with Most Rev. Precioso D. Cantillas, Bishop of Maasin, to deepen the linkages of the PNP with the Community and to achieve the end-goal of the Chief PNP’s Peace and Security Framework MKK=K, through the intervention of our religious sector, the Priests and Parishes of Maasin, especially in the conduct of proactive Kasimbayanan Activities in their respective areas and barangays.” bahagi ng ulat ng PNP-Chaplain Service.
Bukod kay General Ortizo, kabilang din sa nakibahagi sa pakikipagdayalogo kay Bishop Cantillas sa Bishop’s Residence sa Maasin City noong ika-28 ng Oktubre, 2022 ay ang iba pang opisyal ng PNP sa rehiyon sa pangunguna ni PCol. Hector F. Enage na siyang acting Police Director ng Southern Leyte PPO.
Layunin ng pagpapaigting sa revitalized KASIMBAYANAN Program ng PNP na pinangangasiwaan ng PNP-Chaplain Service na higit pang paigtingin at pagtibayin ang ugnayan ng mga pulis, kumunidad at ng mga faith-based groups para sa maayos at mapayapang pamayanan.