1,820 total views
Inihayag ng Philippine National Police – Chaplain Service ang pagpapatuloy sa mahigit tatlong dekadang mandato nito na gabayan ang buhay espiritwal at moralidad ng mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Ito ang tiniyak ni PNP-Chaplain Service Director Police Brigadier General Rev. Msgr. Jason Ortizo sa paggunita ng ika-31 anibersaryo ng pagkakatatag ng PNP-Chaplain Service.
Ayon sa Pari, makalipas ang tatlong dekada ay makakaasa ang lahat sa pagpapatuloy at higit pang pagpapaigting ng PNP-Chaplain Service sa pagkakaloob ng serbisyong pastoral at mga programa para sa mga kawani ng PNP at kanilang pamilya.
“We humbly proclaim that for over 3-decades the Chaplain Service continues to obtain major milestone of pastoral service as well as spiritual guidance and counselling to all PNP personnel and dependents regardless of any religious affiliations.” Ang bahagi ng pahayag ni Msgr. Ortizo.
Iginiit ng opisyal na mahalaga ang misyon ng PNP-Chaplain Service sa organisasyon upang maisulong ang malalim na buhay espiritwal ng lahat bilang pundasyon sa pagkakaroon ng naangkop na disiplina at makataong pagpapatupad ng batas sa bansa.
Inihayag rin ni Msgr. Ortizo ang pagsusumikap ng PNP-Chaplain Service na makapaghatid ng tapang at pag-asa sa gitna ng kawalang katiyakan, gayundin ang pagsusulong ng pagkakaisa sa loob mismo ng ahensya.
“Through the years we journey across the PNP organization lobbying that faith and spirituality are essential pillars that uphold the values and integrity of police service, we bring comfort in times of distress, hope in moment of despair, guidance when faced with difficult decisions, encouragement in times of adversity, and a sense of unity within our PNP family.” Dagdag pa ni Msgr. Ortizo.
Nilinaw naman ni Msgr. Ortizo na ang pagpapalawig ng PNP-Chaplain Service sa mga programa nito ay hindi lamang para sa mga kawani ng PNP na mga Kristiyano kundi maging para sa lahat ng alagad ng batas na may ibang paniniwala at pananampalataya.
Pinangunahan ni Acting Deputy Chief, PNP for Administration PLTGEN Rhodel O. Sermonia ang pagdiriwang ng PNP Chaplain Service 31st Founding Anniversary ngayong taon na may temang “Living the Call with Humanity, Building Resilience, and Sustaining Excellent and United Services”.
Sa tala, aabot sa 190,000 ang bilang ng mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na ginagabayan ng PNP-Chaplain Service mula sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.