1,660 total views
Nagpahayag ng suporta ang Philippine National Police – Chaplain Service sa isinasagawang internal cleansing sa hanay ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Pinangunahan ni PNP-Chaplain Service Director Police Brigadier General Msgr. Jason Ortizo ang paghahain ang courtesy resignation ng 3rd Level Officers ng PNP Chaplain Service.
Ito ay tugon sa panawagan ni DILG Secretary Benhur Abalos na unang hakbang upang masulosyunan ang malalim na problema ng ilegal na droga sa loob ng ahensya.
“Ang opisina namin talagang whole hearted support naman po sa panawagan ng internal cleansing campaign particularly lalo na po ngayon sa challenge at appeal ni DILG (Secretary Benhur Abalos) regarding sa voluntary courtesy resignation ng mga coronels at generals ay of course ito naman po ay in line with the PNP’s battle against illegal drugs,” pahayag Msgr. Ortizo sa Radio Veritas.
Tiniyak ni General Ortizo ang suporta at pakikibahagi ng PNP-Chaplain Service sa iba’t ibang programa at hakbang upang tuluyang malinis ang hanay ng Pambansang Pulisya.
“Natuwa din tayo dito dahil this is part of cleansing the organization at ang opisina namin yan din naman ang ultimate goal kaya kami nandito to help in the internal cleansing campaign of the PNP kaya kami nakikiisa talaga sa challenge na ito ng ating DILG at ng ating Chief PNP with regards sa panawagan (magpasa ng courtesy resignation),” dagdag pa ni General Ortizo.
Mensahe ni General Ortizo sa mga opisyal ng ahensiya ang pagtitiwala sa isinasagawang pagsusuri at imbestigasyon upang matukoy kung sino ang may mga kaugnayan sa ilegal na droga.
“After the assessment at talagang wala kang involvement ay maki-clear ka naman po, sinasabi ko din sa ating mga officers involve na huwag mabahala although may mga pangambang konti because of human factors. If your conscience is clear na wala kang involvement sa illegal drugs ay mapapawalang sala ka rin naman talaga,” ayon pa kay General Ortizo.
Ang PNP-Chaplain Service ay may 9 hanggang 11 mga opisyal mula sa iba’t ibang tanggapan at rehiyon sa bansa na nagsumite ng courtesy resignation.
“Sa amin kami sa command group tatlo, tapos sa aming division heads naming ay nasa tatlo din at saka sa mga regional more or less nasa 9 kami or 11, yang mga yan kasi ay nasa mga regions nasa mga regions ngayon whom I believe at this time ay nagsubmit na din ng kanilang courtesy resignation,” pagbabahagi pa ni General Ortizo.
Bahagi ng internal cleansing ang pagbubuo ng isang komite na mayroong limang miyembro na mangangasiwa sa pagsusuri at mag-iimbestiga sa mga record ng mga coronel at general na magsusumite ng kanilang courtesy resignation.
Unang pinangunahan ni PNP Chief Rodolfo Azurin ang paghahain ng courtesy resignation at nananawagan sa 956 na mga opisyal ng PNP na makibahagi sa pagtugon sa problema ng ilegal na droga sa ahensya.