331 total views
Magiging pro-active na ang pamamaraan ng Philippine National Police – Chaplain Service at ng Military Ordinariate of the Philippines sa pagtutok sa spiritual transformation ng mga kawani ng P-N-P.
Ayon kay PNP – Chaplain Service Deputy Director Police Senior Superintendent Rev. Father Lucio Rosaroso Jr. dahil sumang-ayon si Pangulong Duterte sa retraining at pagpapadala sa mga police scalawag sa Mindanao kaya’t tututukan nila na mahubog ang makataong moralidad at pagpapahalaga ng mga otoridad sa tungkulin.
Sinisimulan na ng PNP-Chaplain Service ang paghuhubog ng matatag na ispiritwalidad ng mga kawani ng PNP sa training classes pa lamang ng mga bagong pulis at pagsi-seminar sa mga tiwaling pulis.
“ang nagyari kasi si President Digong, nagdecide ang ating Pangulo na huwag i-retraining so wala kaming magagawa .Instead of that we are going to school, pro-active na ito sa mga regular classes or subject ng mga police natin..” pahayag ni Father Rosaroso sa panayam sa Radio Veritas.
Nabatid sa tala ng PNP noong 2016, umaabot na sa 1,122 ang mga PNP Personnel na may kasong administratibo.
Bago suspendihin ang Oplan Tokhang noong buwan ng Enero ay tinatayang umaabot na sa higit 7-libong indibidwal ang namatay sa war on drugs ng pamahalaan.
Sa kabila nito, tiniyak ng PNP-Chaplain Service at Military Ordinariate of the Philippines ang suporta sa layunin ng pamahalaan laban sa illegal na droga at pagtutok sa pagpapanibago ng pananaw ng nasa 180-libong mga kawani ng PNP sa kanilang misyon na lipunin ang mga masasamang loob sa lipunan.