163 total views
Sinang-ayunan ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang pahayag ni Senate president Aquilino Pimentel III na hindi statistics ang kailangan ng taong bayan kundi ang resulta sa imbestigasyon na may kinalaman sa mga kaso ng death under investigation sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon sa obispo, maging ang mga kaalyado ng administrasyong Duterte ay umaalma na rin sa kawalan ng aksyon sa mga kaso ng extrajudicial killing sa bansa na may kinalaman sa iligal na droga.
Sinabi ni Bishop Bacani, panahon na para magsipag ang mga awtoridad upang malutas ang kaso ng EJK sa bansa.
“Harinawa ay maghunos-dili at magsipag naman, sabi nga ng mga tao ang daming dapat imbestigahan. Si Senate President mismo, si Pimentel nagtatanong nyan at nagsasabi nyan. Sabi ni Pimentel, “bibigyan nila kami ng statistics, I do not want statistics, I want results” sabi ni Pimentel, ay yun ay kakampi na ni presidente Duterte yan pero umaalma na rin sa mga nangyayaring hindi nareresolbang kaso.” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Radio Veritas.
Sa latest report ng Philippine National Police, sa nakalipas na 6 na buwan ng administrasyong Duterte, nasa 6,200 na ang napatay sa kampanya laban sa operasyon ng iligal na droga kung saan halos 4,000 ay death under investigation.