163 total views
Nakipagpulong ang ilang mga kinatawan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, Sangguniang Laiko ng Pilipinas at Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa mga opisyal ng Philippine National Police upang talakayin ang mga paghahanda sa midterm elections sa ika-13 ng Mayo, 2019.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs ang pagtitipon na tumutok sa pagtutulungan ng Simbahan at ang pambansang pulisya para tiyakin ang malinis at maayos na May 13, 2019 Midterm Elections.
Ayon kay Police Major General Benigno Durana Jr.,Head ng PNP Directorate for Police Community Relations (DPCR), bukod sa halalan ay natalakay rin sa pulong kung papaano ganap na maipatutupad ng PNP ang programang Ugnayan ng Simbahan at Pulis o USAP.
Layon ng USAP na magkaroon ng matibay na ugnayan ang mga otoridad at mga opisyal ng Simbahan hindi lamang ng mga Kristyano’t Katoliko kundi maging sa iba pang mga denominasyon.
“The Philippine National Police sought out an audience with the CBCP, specifically to brief CBCP on our election preparations that’s one, and another one is that we want to progress our initial talks with the CBCP headed by the Chief PNP on areas where the church and the police can futher collaborate.” pahayag ni Durana
Inaasahan naman ang pagkakaroon ng maayos na relasyon at pagtutulungan ang mga pulis at mga church volunteers partikular na ang PPCRV upang matiyak na masunod ng mga botante ang panuntunan sa mismong araw ng halalan.
“Yung the coming exercise ng National and Local Elections we believe that the church can do so much not only the church but also the attach agency like the PPCRV can do so much to help this country attain a honest, orderly and peaceful election.” dagdag pahayag ni Durana
Humingi naman ang pamunuan ng PNP ng panalangin at suporta ng Simbahan hindi lamang bilang paggabay sa lahat ng mga pulis na maitatalaga para bantayan ang nakatakdang halalan kundi para na rin mismo sa pangkabuuang kapayapaan at kaayusan ng Midterm Elections.
Nilinaw naman ni Durana na walang anumang impormasyon o banta na natatanggap ang PNP kaugnay sa seguridad sa nakatakdang halalan sa ika-13 ng Mayo.
“Wala pong information or significant reports that would lead turmoil the holding of honest, orderly and peaceful election, we just want to reassure the church that security preparations is almost complete but we don’t want to take chances that’s why we need the prayers unang-una and the support of the church so that we can hold this electoral exercise in a peaceful and orderly matter, in a clean and honest manner as well.” pagtiyak ni Durana
Kaugnay nito, inaaasahan ang pagtatalaga ng PNP ng may 160,000 mga pulis sa araw ng halalan hindi lamang upang matiyak ang kaayusan at katahimihan ng eleksyon kundi upang matiyak rin na walang mananamantala sa mga pamayanan.
Naganap ang pagpupulong sa tanggapan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa Intramuros sa pangunguna ni Rev. Fr. Jerome Secillano kasama sina Sangguniang Layko ng Pilipinas President Dra. Marita Wasan, PPCRV Chairman Myla Villanueva at PPCRV Vice Chairman for Internal Affairs Johnny Cardenas.