279 total views
Tiniyak ng Philippine National Police – Chaplain Service ang pagsasakatuparan ng mandato na gabayan ang mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas upang maging mabuting alagad ng batas.
Ito ang binigyang diin ni PNP-Chaplain Service OIC Director Police Colonel Rev. Father Lucio Rosaroso Jr. sa gitna ng kontrobersyal na usapin ng mga ninja cops sa bansa.
Ibinahagi ng Pari ang mga programa ng PNP – Chaplain Service upang matiyak na maging God-centered, service oriented at family based ang mga kawani ng PNP sa pagtupad ng kanilang mandato bilang mga alagad ng batas.
Ipinaliwanag ni Father Rosaroso na bukod sa pagiging maka-Diyos at pagsiserbisyo ng tapat sa sambayanan ay nararapat na pahalagahan ng mga kawani ng PNP ang kanilang pamilya.
“Ang role talaga namin sa Chaplain Service, we are facilitating itong tatlong objectives namin na ang mga pulis natin ay maging God-centered, service oriented and family based, yun talaga ang objective namin sa Chaplain Service. Yung family based na ang mga pulis natin kailangan faithful sa kanilang wife and they take good care of their children yun family based…” pahayag ni Father Rosaroso Jr. sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa tala, aabot sa 190,000 ang bilang ng mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Matatandaang unang umapela sa pamunuan ng PNP ang ilang mga Obispo ng Simbahang Katolika na magsagawa ng internal cleansing at suriin ang katapatan, kredibilidad at abilidad ng nasa higit 190,000 mga pulis sa buong bansa.