211 total views
Tulungan ang mga kabataang lalaki na kilalaning mabuti ang kanilang sarili.
Ito ang layunin ng inilunsad na Men’s Conference ng Office of the Promotion of the New Evangelization o OPNE sa Mary Mother of Hope Chapel sa Landmark Makati.
Tema ng pagtitipin ang Believing, Living, Thriving” Accompanying Young Men in Virtue.
Ayon kay Father Jason Laguerta – Director ng OPNE, nais nitong matulungan ang mga kabataan lalo na ang mga kalalakihan na maunawaan ang kanilang pagiging lalaki at ang papel na kanilang dapat gampanan sa pamilya.
Bukod dito, nais din ng pari na makatulong sa mga kabataang lalaki upang maisabuhay ng mga ito ang maka-kristiyanong pamumuhay at maging mabuting halimbawa sa kanilang kapwa.
“Gusto nating mabigyan ng pansin yung kahalagahan ng mga kabataang lalaki para turuan sila sa pag-unawa ng kanilang pagiging lalaki at gayundin naman ang kanilang magiging papel sa kanilang mga pamilya bilang tatay sa kanilang magiging pamilya [sa hinaharap] o kaya naman bilang kuya sa pamilya. So gusto nating malaman o maunawaan kung paano ba talaga ang pag-unawa natin sa isang kristiyanong lalaki o mga kristiyanong kalalakihan.” pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Umaasa si Father Laguerta na sa tulong ng isinasagawang kumperensya ay mapagnilayan ng mga lalaki ang kanilang bokasyon sa buhay.
Nilinaw nito na hindi lamang sa pagpapari ang bokasyon kungdi maging sa pagpapamilya.
“Ang calling talaga natin ay nakapaloob din sa kung sino talaga tayo bilang lalaki o bilang babae at doon mag-uugat yung pagkilos pagpapahalaga tapos yung mga prayoridad mo sa buhay, pamamaraan mo ng pakikitungo sa kapwa… yun ang isang layunin ng kumperensya na linawin kung ano ang pakahulugan natin sa mga papel o orientasyon o kaya ng pagtingin sa pananaw sa sarili.” Dagdag pa ni Father Laguerta.
Ang Men’s Conference ay dinaluhan ng humigit kumulang 160 mga kalalakihan na mula sa iba’t-ibang mga Sufragan Dioceses ng Archdiocese of Manila.
Ikinagalak din ng OPNE na mayroong mga kinatawan ang Philippine National Police na lumahok sa pagtitipon.
Tiwala si Father Laguerta na sa susunod pang dalawang araw ng kumperensya ay mas marami pang mga lalaking kabataan ang mahihikayat na dumalo.