277 total views
Magkatuwang na pangungunahan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippine ang pagtiyak sa kaayusan at seguridad ng mga mamamayan ngayong Undas.
Ito ang inihayag ni PNP-NCRPO Director Chief Superintendent Oscar Albayalde, kaugnay sa pagsisimula ng Oplan Kaluluwa 2016 ngayong araw. Ayon kay Albayalde, nananatili ang Full Alert Status at pagtutulungan ng PNP at AFP alinsunod na rin sa idineklara ni Pangulong Duterte na State Of National Emergency on the account of lawless violence matapos ang naganap na pagpapasabog sa Roxas Night Market sa Davao City na ikinasawi ng may 14 na indibidwal.
Ngayong araw ang deployment at pagtatalaga sa mahigit 7-libong mga pulis sa buong Metro Manila upang matiyak ang kaayusan at seguridad ng publiko partikular sa mga uuwi ng kani-kanilang mga probinsya at magtutungo sa halos 99 na mga sementeryo sa buong Metro Manila.
Bukod dito, inaasahan rin ang pagtatalaga ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng nasa 3-libong – tauhan bukod pa sa puwersa ng Bureau of Fire Protection (BFP), Local Government Units at ilan pang mga volunteers.
Kaugnay nito, umaasa naman ang Simbahang Katolika na isasabuhay ng bawat mamamayan ang layunin ng Undas na paggunita sa mga namayapa sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang mga himlayan at pag-aalay ng panalangin maging para sa ikapapayapa ng mga kaluluwa sa purgatoryo.