2,829 total views
Nanawagan ang Philippine National Police – Chaplain Service sa mga kawani at mga opisyal ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na aktibong tumugon sa ipinatutupad na Internal Cleansing Campaign sa ahensya.
Ayon kay PNP – Chaplain Service Director, Police Brigadier General Msgr. Jason Ortizo, mahalaga ang pakikilahok ng bawat isa sa Squad Weekly Interactive Meeting (SWIM) kasama ang mga Life Coaches at Squad Leaders gayundin ang mga Spiritual Community Advisers.
“Tayo ay nanawagan sa ating mga Kapulisan lalong lalo na ang mga Chiefs of Police natin to implement our Internal Cleansing Campaign lalo na sa ating Squad Weekly Interactive Meeting (SWIM), ones a week magkaroon ng squadding kasama ang Life Coaches at Squad Leaders at sa ating KASIMBAYANAN na kasama lagi ang ating Spiritual Community Advisers (Faith Based Groups) sa pag implement nito down to our barangays for our people to have peace and harmony,” apela ni Ortizo.
Ipinaliwanag ni General Ortizo, na ang naturang hakbang ay bahagi ng KASIMBAYANAN program kung saan mahalaga ang papel na ginagampanan ng Spiritual Community Advisers mula sa iba’t ibang Faith Based Groups upang magabayan ang mga alagad ng batas sa kanilang matapat, maayos, at makataong pagsasakatuparan sa mandatong protektahan ang bayan.
Pinangangasiwaan ng PNP-Chaplain Service ang pagpapaigting sa revitalized KASIMBAYANAN Program ng PNP na naglalayong pagtibayin ang ugnayan ng mga pulis, kumunidad at ng mga faith-based groups para sa mas epektibong pagtiyak sa pagkakaroon ng maayos at mapayapang pamayanan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.