6,855 total views
Iginiit ni ACT Teachers Partylist Representative France Castro na dapat higpitan ng pamahalaan ang mga polisiya sa pagtanggap ng mga dayuhang estudyante sa bansa.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipina, sinabi ni Castro na dapat suriing mabuti ang mga dokumentong isinusumite ng mga dayuhang pumapasok sa Pilipinas upang matiyak ang kanilang dahilan sa pananatili sa bansa.
Ito ang pahayag ng mambabatas hinggil sa mahigit 16-libong Chinese students sa iba’t ibang unibersidad sa Northern Luzon.
“Sana ma-check po ito ng Bureau of Immigration, reviewhin ang mga batas hinggil sa pagpasok ng mga foreign students at dapat magkaroon ng additional guidelines kaugnay doon sa pagpasok ng mga student dito sa ating bansa,” ayon kay Castro sa panayam ng Radio Veritas.
Nilinaw ni Castro na kung lehetimong estudyante o turista ay hindi ito tutol sa pagpasok hindi lamang ng mga Chinese kundi maging sa iba pang mga dayuhang nais pumasyal o mag-aral sa Pilipinas.
Sang-ayon din ang mambabatas na ma-repeal ang Executive Order (EO) No. 285 ni dating Pangulong Joseph Estrada kung saan pinahihintulutan ang Bureau of Immigration na mag-convert ng tourist visa at gawing student visa na layong isulong ang Pilipinas bilang center for education sa Asia Pacific Region.
Nababahala si Castro na maaring naabuso ang nasabing polisiya at ginamit na paraan ng ilang Chinese invididuals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO na nakitaan ng mga paglabag sa batas kasabay ng pagdami ng krimen.
Apela ng mambabatas sa pamahalaan lalo na sa kinauukulang ahensya tulad ng BI na higpitan ang pagpatupad ng batas gayundin sa Philippine National Police na matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipino.
Pinuna rin ng mambabatas ang isinagawang Balikatan Exercises sa pagitan ng Filipino security forces katuwang ang mga sundalo ng Amerika, France at Australia na maaring magdudulot ng kaguluhan lalo na sa pinag-agawang teritoryo sa West Philippine Sea.
“Gusto nating magkaroon tayo ng independent foreign policy at itong teritoryo natin ay hindi magamit sa war zone dahil madadamay tayo sa giyera ng US at China,” ani Castro.