466 total views
Mahalaga ang presensya at paggabay ni Hesus sa larangan ng pulitika.
Ito ang binigyang diin ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa Caritas News on the Go ng Caritas Philippines kaugnay sa kahalagahan ng gabay ng Panginoon sa pulitika upang maisakatuparan ang pangunahing diwa nito na paglilingkod ng tapat sa bayan.
Ayon sa Arsobispo, kung wala ang paggabay ni Hesus sa larangan ng pulitika ay maaari itong maging tulad ng isang krus na magpapahirap at kinakailangang pasanin ng mamamayan.
Ipinaliwanag ni Archbishop Villegas na mahalaga ang paggabay at presensya ng Panginoon sa larangan ng pulitika upang ganap nitong maisakaturan ang pagiging daan tungo sa kasaganahan at kaunlaran ng bawat mamamayan.
“Bring Christ to politics, because politics without Christ would be a cross to carry for the people. It is when politics is spirited by Christ that it becomes truly liberational and it becomes truly helpful for the people because politics without Christ would be a severe blow on the poor and on everybody.”pahayag ni Arhbishop Villegas.
Inihayag ng Arsobispo na ang lahat ay tinatawagan na maging banal at bayani na kinakailangang isabuhay ang konteksto ng pagiging mabuting Kristiyano.
“Ang unang tawag sa atin ay maging banal pero in the same breath na tinatawag tayong maging banal, tinatawag din tayong maging bayani kasi yung ating kabanalan ay isasabuhay natin sa konteksto ng ating lipunan in other words ang pagiging Kristiyano ay hindi nakalutang sa alapaap, ang pagiging Kristiyano ay nakatapak tayo sa lupa at yung lupang tinatapakan natin kailangan nating baguhin upang biyayaan ni Kristo, angkinin para kay Kristo to restore all things in Christ.” Dagdag pa ni Archbishop Villegas.
Kaugnay nito, ang Archdiocese of Lingayen Dagupan ang kauna-unahang diyosesis na naglunsad ng programang Simbayanihan ng Caritas Philippines na pagkakaisa ng Simbahan at ng bayan para sa pagbabago at kaunlaran ng lipunan.
Ang naturang programa ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay naglalayong isulong ang aktibong partisipasyon ng taumbayan sa usapin at sistema ng lokal na pamamahala ng pamahalaan.