321 total views
Hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga opisyal ng gobyerno na mag-ingat sa paggamit ng social media.
Inihayag ni Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na mabilis ang pagkalat ng mga balita, mali man o hindi.
“So hindi ka lang nakagagawa ng damage sa iba, mas nakakagawa ng damage sa ‘yo. kaya dapat mag-ingat sa pagsasalita dahil sa pamamaraan ngayon, dahil maaring ma-multipy. Ma-multiply ang wisdom mo at ma-multiply ang katangahan mo,” ayon pa kay Bishop Pabillo sa panayam ng programang Pastoral Visit sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay na rin sa social media post ni dating Davao Vice Mayor Paulo Duterte ng listahan ng sinasabing ‘destabilizer’ ng administrasyon kung saan kabilang ang mga Obispo sa talaan.
“So, kahiya-hiya sila. At nakarecord di mo na mabubura ‘yan. Yung mga ganyang mga paratang di mo na mabubura ‘yan nasa kasaysayan na ‘yan,” ayon pa sa obispo.
Ilan pang Obispo ng simbahan na kasama sa listahan sina CBCP Vice President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez, San Pablo Bishop-Emeritus Leo Drona, at ang namayapa ng si Infanta Bishop-Emeritus Julio Labayen.
Kabilang din sa nakatala ang isang Bishop Arturo Santos na hindi kabilang sa talaan ng mga obispo ng CBCP.
Ayon kay Bishop Pabillo ang ganitong mga pahayag ay iresponsable lalu’t kabilang sa nakalista ang isang matagal ng patay at ang retiradong obispo na matagal na ring may karamdaman.
Ang CBCP ay may kabuuang bilang na higit sa 140 mga obispo kabilang na rito ang mga retirado.
“Makikita natin na iresponsable ang ganyang pananalita. Mahilig sila magsampa ng libel at ngayon si Trillanes sinampahan ng libel sa Davao. Hindi ba ang ginagawa nila ay libelous ‘yan, magbibigay ng paratang na hindi totoo,” dagdap pa ni Bishop Pabillo.
Sa inilabas na mensahe ni Pope Francis sa 2018 World Communications day, binigyan diin dito ang kahalagahan ng katotohanan na siyang saligan ng pagmamahal at kalayaan.
Una na ring nagbabala si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga social media users na maging mapagbantay at mapanuri sa paggamit ng teknolohiya.
Ayon kay Cardinal Tagle hindi lahat ng impormasyon na mula sa internet o social media ay katotohanan at kapaki-pakinabang.