1,095 total views
Nagpapasalamat ang Pondo ng Pinoy sa mga Good Samaritan na patuloy sa pagkakaloob ng kanilang 25-sentimos na barya o tinatawag na “mumo”.
Sa panahon ng COVID-19 pandemic, ipinagmalaki ni dating ambassador Henrietta de Villa, sub-committee chairman ng Pondo ng Pinoy community foundation na dahil sa kaloob na 25-sentimos ay nakapagpabigay sila ng cash donations sa programa ng Caritas Manila at iba’t-ibang arkidiyosesis at diyosesis para sa mga lubos na apektado ng pandemya.
Ang cash donations ay bukod pa sa mga ipinamimigay ng Pondo ng Pinoy na relief goods at face masks.
Ikinagagalak ni de Villa na ibahagi sa Radio Veritas na ang Pondo ng Pinoy ay “caught the imagination of the people” at nagdulot ng himala.
Ayon kay de Villa, dahil sa Pondo ng Pinoy ay nakaugalian na ang paglalaan ng “mumo” para magbigay ng pag-asa sa mga kapuspalad at isinasantabi sa lipunan.
“Ang pag-iipon ng 25-sentimos para sa Pondo ng Pinoy ay pinanggagalingan ng katuwaan, feeling of fulfillment. Caught the imagination of the people, kaya marami ang nagbabahagi. The habit become a virtue”. Pahayag ni de Villa
Sinabi ni de Villa na ang pakikibahagi sa Pondo ng Pinoy ay pagpapakita ng pagmamahal ng diyos at pagmamahal sa kapwa.
Tiniyak ni de Villa na ang Pondo ng Pinoy na itinatag noong 2004 ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales ay patuloy sa kanyang misyon na akayin ang mamamayan na magbalik loob sa Panginoon at buksan ang puso sa kapwa upang makabuo ng isang nagkakaisang sambayanan.
“Hangarin ng Pondo ng Pinoy na itaguyod ang pagbabago sa sarili para sa kabutihan ng iba. Tatlong P: pagtataguyod, pag-aaruga at pagmamalasakit sa kapwa”.pagbabahagi ni de Villa.
Nabuo at naitatag ang Pondo ng Pinoy sa pamamagitan ng motto at principle ni Cardinal Rosales na “Anumang magaling kahit maliit basta’t malimit ay patungong langit”.