622 total views
Misyon ng Pondo ng Pinoy katuwang ang simbahang katolika na tulungan ang mga mahihirap at higit na nangangailangan.
Ito ang isa sa mga mensahe ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ngayong Pasko.
Inihayag ni Cardinal Advincula na tulad ng pagkakatawang tao ni Hesus ay kasama ng bawat bata at kabataan sa krisis ang simbahan at ang Pondo ng Pinoy.
“Ang Pondo ng Pinoy ang kaagapay ng kabataan tungo sa Simbahang naglalakbay, tungo sa Simbahang kasama lahat- lahat, tungo sa Simbahang tahanan na maaring uwian ng mga bata at kabataan na nagugutom, napapagod, nawawalan ng pag-asa, nasasaktan, at nangungulila. Dumating si Hesus si ating mundo bilang Emanuel, nagpakita ang Diyos sa sanlibutan sa anyo ng sanggol, mahina at maliit,” ayon sa Video Message ni Cardinal Advincula.
Tiniyak ng Cardinal Advincula na kaisa ng sanlibutan ang Diyos lalu sa panahong nawawalan tayo ng pag-asa.
“Paalala sa atin na kasama natin ang Diyos lalu na sa mga panahong tila wala na tayong lakas, wala na tayong pag-asa at wala tayong kalaban-laban – ito ang mabuting balita sa atin ngayong Pasko,” ayon pa sa Arsobispo
Sa pamamagitan rin ng mga isinasagawang synod on youth ng ibat-ibang parokya ay lubos na napabatid sa simbahan ang mas malaki pang suliranin.
Ito ay sa pagkaranas ng mga kabataan ng ibat-ibang uri ng paniniil katulad ng diskriminasyon at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
“Many of our children and young people are hurting, the group discussions and preparation for the synod on the youth yielded this observation, the young carry ones, they are the ones of the defeats they have suffered frustration to decide, experiences of discrimination and injustice, of that feeling loved or recognize,” pagpapabatid ng Arsobipo.
Umaapela si Cardinal Advincula sa bawat isa ng mas mahabang pasensya sa pagtulong at pagkakaroon ng mga inisyatibo na magiging daan upang mapalapit ang mas marami pang kabataan sa Panginoon.
“Huwag natin silang susukuan, huwag tayong mapapagod sa pag-unawa at pagbibigay ng pag-asa sa kanila dahil sa pagmamalasakit natin, gagaling ang mga bata at kabataang sugatan dahil pinili nating ilapit sila kay Hesus, tuwing may ilalapit kay Hesus may gumagaling, may nabubusog, may himala,” ani Cardinal Advincula.
Taong 2004 nang ilunsad ng noo’y Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang Pondo ng Pinoy na hinihikayat ang mga Katoliko upang magtipon ng bente singko sentimos na siyang naging daan sa maraming proyekto ng Simbahang Katolika.
Sa pinakahuling pag-uulat, ngayong 2021 ay umaabot na sa 13-milyong piso ang nalikom ng Pondo ng Pinoy sa kabila ng pananatili ng pandemya.
Ang mga nalikom ng Pondo ng Pinoy ay ginamit sa livelihood, scholarship, feeding programs, at maging sa pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo.