348 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Ikalimang Linggo ng Pagkabuhay, 19 Mayo 2022, Jn 15:9-11
May nagbigay sa akin ng isang keychain noong nasa elementary school pa lang ako. May nakasabit na medallion na may mukha ni Pope John XXIII, at ang nakasulat ay “PONTIFEX MAXIMUS”. Sa high school ko na nalaman ang ibig sabihin nito, noong nagsimula na akong mag-aral ng Latin sa Minor Seminary. “Supreme Bridge-Builder” daw pala ang meaning. Akala ko tuloy isang civil engineer o construction worker ang Santo Papa, gumagawa ng tulay. Saka ko na nalaman na hindi pala ito literal kundi metaphorical. Ang mas angkop na translation sa Tagalog ay “Pinakadakilang Tagapag-ugnay.” Pwede ring Tagapamagitan.
Sa ating first reading ngayon, malinaw kung paano ginampanan ni San Pedro ang papel na ito bilang unang Santo Papa. Siya ang namagitan para pagkasunduin ang magkabilang mga grupo ng mga Kristiyanong hindi magkasalubóng ng pananaw tungkol sa pananampalataya. Sa isang banda naroon si San Bernabe at San Pablo, successful sila sa kanilang misyon—marami sa mga tumatanggap sa Mabuting Balita ay iyung tinatawag kong mga “taga-labas,” ibig sabihin, mga hindi Hudyo pero interesadong makinig sa Salita ng Diyos.
Sa kabilang banda, naroon sina si Santiagong kamaganak ni Hesus, na kinikilalang lider ng mga Hudyong naging mga Kristiyano, at ang iba sa kanila ay mga dating Pariseo na napaka-istrikto pagdating sa pagsunod sa mga Batas ni Moises. Para sa kanila, bago binyagan sa pagka-Kristiyano ang mga “taga-labas”, dapat muna silang maging tapat sa istriktong pagsunod sa mga Batas ni Moises.
Ito ang tinatawag na First Council of Jerusalem. May isyu ang magkabilang panig at ang nagsilbing facilitator ng dialogue o tagapamagitan sa konsultasyon na ito ay si Pedro. Noong una, napakatindi ng tensyon ng dalawang grupo ayon kay San Lukas. Ayaw nilang makinig sa isa’t isa. Si San Pedro ang pumagitna at namagitan. Noong una, nauuuwi na sa debate at pagtatalo ang pag-uusap. Pero nang magsalita si Pedro, napatahimik na silang lahat. Nabuksan niya, hindi lang mga tainga kundi mga saradong puso at isip ng magkabila, at maya-maya, sumang-ayon na rin si Santiago na lider ng grupong taga-Jerusalem. Nagkasalubóng na rin ang kanilang mga pananaw.
Ano ang naging susi na nagbukas ng kanilang mga kalooban sa isa’t isa? Ito naman ang ipinupunto ng ating Gospel reading ngayon. Karugtong ito ng narinig natin kahapon na pagbasa: na si Hesus ang puno ng ubas at ang mga alagad ay mga sanga. Hindi dadaloy ang katas ng puno sa mga sanga, at lalong hindi magbubunga ang mga ito kung hindi mananatiling nakadugtong o nakaugnay sa puno.
At sa bigay na paliwanag ni San Pedro, ang katas na dumadaloy sa lahat ng mga sanga ay ang Espiritu Santo. Siya ang magpapakilala sa mga alagad hindi lang kay Kristo bilang pinaka-puno, kundi sa bawat kapwa-alagad bilang kapatid. Na sila ay parang mga sanga ng iisang puno. At kung ang alagad ay tunay na nakarugtong kay Kristo, dapat mananatili din siyang nakaugnay sa bawat kapwa alagad na kumikilala din kay Kristo. Ito ang tinatawag nating “COMMUNION.”
Akala natin tayo ang tumatanggap kay Kristo. Baligtad pala—siya pala ang tumatanggap sa atin, siya ang bumabago sa ating pagkatao upang maging kabahagi niya tayo. Kung nananatili tayo sa kanya, dapat din nating pagsumikapan na manatili sa isa’t isa, sikaping isantabi ang mga hadlang o balakid sa ating pagsasalubungan ng puso’t isipan sa pamamagitan ng iisang Espiritung tinanggap natin mula sa kanya.
Hindi ko na matandaan kung ano ang pangalan ng santong ito. Pero ayon sa kwento, may sama ng loob daw siya sa isang ka-miyembro niya sa religious congregation nila dahil hindi niya ito makasundo ng pananaw. Minsan dumalo daw silang pareho sa Misa at halos magkasunod silang nag-communion. Paglabas nila, nang magkasalubong sila sa pasilyo, lumuhod siya sa harapan nitong taong hindi niya kasundo. Sabi niya, “Lumuluhod ako kay Kristong tinanggap mo sa komunyon kung paanong lumuluhod ako sa harapan ng tabernakulo.” Napaluha daw ang kalaban niya at lumuhod din siya. “Kung gayon kailangan din akong lumuhod sa iyo dahil iisang Kristo ang tinanggap natin.” At mula noon, naging matalik na daw silang magkaibigan.