5,243 total views
Inihayag ni Antipolo Bishop Ruperto Santos na magandang biyaya mula sa Diyos ang pagkilala ng buong simbahan sa imahe ng Nuestra Señora de Fatima de Marikina.
Ito ang mensahe ng obispo kasunod ng pontifical coronation na ginanap nitong May 12 sa Diocesan Shrine and Parish of St. Paul of the Cross sa Marikina City kung saan nakadambana ang imahe ng Mahal na Birhen ng Fatima.
Ayon kay Bishop Santos, ito ay hindi lamang kagalakan sa mga nasasakupang komunidad kundi ito ay regalo sa buong simbahang katolika lalo na sa Pilipinas na tinaguriang Pueblo Amante de Maria.
“Ito po ay biyaya mula sa Diyos, isang dakila at napakagandang kaloob niya sa atin. Ito naman po ngayon ang ating regalo ng ating pandiyosesanong dambana sa Diyosesis ng Antipolo, sa lalawigan ng Rizal. Ito po ngayon ang ating maganda at natatanging alay sa Inang Simbahan ng Pilipinas, isang mabuti at mabiyayang handog sa mananampalatayang Pilipino,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Tinuran din ng obispo ang pagkakataong kasabay ng canonical coronation ang pagdiriwang ng Mother’s Day kung saan pinararangalan ang Birheng Maria na katuwang ng sangkatauhan sa pananalangin kay Hesus.
Umaasa si Bishop Santos na mas lalong lumawak ang debosyon ng mananampalataya sa Mahal na Ina kasabay ng higit na paglalim ng pananampalataya sa Diyos.
Nang mailuklok ang obispo bilang pastol ng Diocese of Antipolo ay tiniyak nito ang pagpapalakas sa debosyon ng nasasakupang kawan at hangaring gawing pilgrim capital ng Pilipinas ang diyosesis lalo’t dito matatagpuan ang kauna-unahang international shrine ang ‘International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Catheral.
Ayon naman kay Severo Catura ang focal person sa gawain at nangangasiwa sa Basic Ecclesial Community ng parokya malaking tulong sa paglalakbay ng kristiyanong pamayanan ng parokya at ng buong lunsod ang tinanggap na pagkilala sa Mahal na Birhen ng Fatima na segunda patrona ng dambana.
“This event has many significant aspects in our faith journey, we’ve always been a marian parish hindi pa man kami mabuo bilang parokya some 55 years ago, it was already the Marian devotion that really in formed what we were doing. The significance of this is, aside from recognizing our full devotion to the Blessed Mother, it will definitely serve as inspiration for all parishioners, it will bring much joy to the devotees,” pahayag ni Catura sa Radio Veritas.
Ibinahagi ni Catura ang aktibong debosyon sa Mahal na Birhen sa kanilang lugar kung saan bukod sa First Saturday devotion mayroong 50 imahe at prayer groups ang bumibisita sa mga pamayanan bukod sa debosyon ng Divine Mercy at St. Paul of the Cross.
Batid nitong mas pinagbubuklod ng Mahal na Ina ang mga munting pamayanan upang higit na lumalim ang pananampalataya at pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Bago ang pagdiriwang ng Banal na Misa at rito ng pagpuputong ng korona ay pinangunahan ni Bishop Santos ang pagbabasbas sa grotto ng Mahal na Birhen sa harapan ng simbahan.
Dumalo sa pagdiriwang ang mga lokal na opisyal ng Marikina at ang daan-daang deboto at mananampalataya sa lugar upang saksihan ang makasaysayang canonical coronation.
Katuwang ni Bishop Santos sa pagputong ng korona si Fr. Vicentico Flores, Jr. ang kura paroko at rektor ng dambana sinaksihan ni Fr. Efren Villanueva na katuwang na pari ng parokya at mga bisitang pari lalo na ang paring Passionist na nagtatag sa parokya limang dekada ang nakalilipas.
Isinapubliko ng Diocese of Antipolo ang pag-apruba ng santo papa sa canonical coronation sa pamamagitan ng liham ng Dicastery for Divine Worship and the Discipline noong February 14.
Ito na ang ikaanim na imaheng ginawaran ng canonical coronation ng diyosesis kasama ang Nuestra Señora Dela Paz y Buenviaje ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo; Nuestra Señora de los Desamparados ng Diocesan Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Marikina; Nuestra Señora de Aranzazu ng Diocesan Shrine – Parish of Nuestra Señora de Aranzazu sa San Mateo; Nuestra Señora de la Lumen ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Light sa Cainta, at ang; Nuestra Señora del Santísimo Rosario ng Diocesan Shrine of Our Lady of the Holy Rosary sa Cardona Rizal.