482 total views
Nagpaabot nang pagbati at panalangin ang Pontificio Collegio Filipino sa Roma, Italya kay Archbishop Arnaldo Catalan bilang bagong Apostolic Nuncio sa Rwanda, Africa.
Ayon kay Fr. Gregory Gaston-rector ng collegio, kanilang ipinapanalangin ang kalakasan para sa bagong misyon ni Archbishop Catalan sa simbahan na maglilingkod bilang kinatawan ng Holy See sa isa sa mission church ng Vatican sa Africa.
‘Si Msgr. Catalan ay maa-assign sa Rwanda para mangasiwa sa mga katoliko doon, at political assignment o ang relationship ng Holy See at Rwanda, ang bilateral relations ng dalawang bansa. ‘ ayon kay Fr. Gaston.
Si Archbishop Catalan ay inordinahan at kinilala bilang titular archbishop ng Apolonia sa pagdiriwang na pinangunahan ni Prefect of the Evangelization of People’s Luis Antonio Cardinal Tagle, Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown na ginanap sa Manila Cathedral.
Ang Pontificio Collegio Filippino o kilala rin bilang Pontificio Collegio Seminario de Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje kung saan napabilang din si Archbishop Catalan noong 1995, bago mag-aral sa Pontifical Ecclesiastical Academy-ang natatanging paaralan para sa diplomatic service ng Vatican.
Sa kasalukuyan ay may dalawang Filipinong pari sa academia para sa diplomatic service ng Vatican.
‘Duon hinuhubog ang ating mga papal nuncio. Sa Philippines siya (Catalan) ang pang-lima. Ngayon may dalawang Filipino tayo doon, ipagdasal natin sila na maging ambassador din sila ng Santo Papa in the future,’ dagdag pa ni Fr. Gaston.
Bukod kay Archbishop Catalan, kabilang din sa mga Filipino nuncios sina Archbishop-emeritus Oswaldo Padilla, Archbishop Adolfo Yllana (Israel at Cyprus), Archbishop Francisco Padilla (Guatemala) at Archbishop Bernardito Auza- ang kasalukuyang nuncio sa Espanya.