20,815 total views
Nagpaabot ng pasasalamat ang pamunuan ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma sa BPI (Bank of the Philippine Islands) para sa pagpili sa collegio bilang isa sa mga benepisyaryo ng eDonate platform nito.
Ayon sa Pontificio Collegio Filippino na kasalukuyang pinangangasiwaan ni collegio rector Rev. Fr. Gregory Gaston, isang malaking biyaya ang pagkakapabilang sa mga benepisyaryo ng eDonate Platform ng nasabing banko.
Pagbabahagi ng collegio, malaki ang maitutulong ng naturang hakbang para sa patuloy na pagsasakatuparan ng misyong gabayan at hubugin ang mga Pilipinong pari na ipinadadala sa Roma ng kanilang mga Obispo at kongregasyon upang higit na makapag-aral at mapalalim pa ang kanilang bokasyon bilang isang lingkod ng Simbahan.
“BPI (Bank of the Philippine Islands) selects Collegio Filippino as a beneficiary for its eDonate platform. We sincerely thank BPI for this channel and opportunity to create support for the ongoing formation of our Priests in Rome, who are sent by their Bishops to do further studies while residing at the Collegio Filippino…” Bahagi ng pahayag ng Pontificio Collegio Filippino.
Ang Pontificio Collegio Filippino ay itinatag noong 1961 sa pamamagitan ni Pope John XXIII bilang ‘Home in Rome’ ng mga Pilipinong pari na nag-aaral sa mga unibersidad sa Roma.
Taong 1961 nang basbasan ni St. John XXIII ang PCF kung saan umaasa ang dating Santo Papa na maging lugar ng paghuhubog ang gusali para sa higit na paglago ng karunungan ng mga lingkod ng Simbahan na makatutulong sa kanilang misyon bilang pastol ng Simbahan sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan may mahigit sa 40 ang mga pari ang naninirahan sa collegio, kabilang na ang mahigit sa 30 mga Filipino habang nasa 10 naman ang mga pari na mula sa mga diyosesis ng Burkina Faso, Cameroon, Congo, Japan, India, Sri Lanka, Taiwan at Vietnam.