217 total views
Inilarawan ng opisyal ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) ang Mahal na Poong Hesus Nazareno bilang kumakatawan sa mga dalahin sa buhay ng bawat mananampalataya.
Sa pagninilay ni Reverend Father Troy Delos Santos, OFM Cap., ang Vicar General ng AVOSA sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon at paggunita sa taunang Traslacion sa Middle East, binigyang diin nito na ang Poong Hesus Nazareno ang taong handang humarap sa pagsubok alang-alang sa sangkatauhan.
“Ang Mahal na Poong Hesus Nazareno ay kumakatawan sa mga taong may dinadala sa buhay at tunay na handang harapin ang pakikibaka sa buhay ng mananampalataya,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Delos Santos.
Tinukoy ni Fr. Delos Santos na ang krus na pasan ng Poong Hesus Nazareno ay sumasagisag sa bawat pasanin ng tao tulad ng mga pagkukulang at pagkakasalang nagawa na dinadala ni Hesus para sa katubusan ng lahat.
“Ang krus ay simbolo lamang na pinasan niya yung ating mga nagawang pagkukulang sa buhay, para sa atin,” ani ng Pari.
Tinatayang humigit kumulang 1, 500 mga Filipino ang nakiisa sa ikalawang taon ng Traslacion sa Abu Dhabi, UAE noong Linggo na pinangunahan ng Hijos Del Nazareno – UAE Chapter katuwang ang mga Filipinong komunidad.
Dalangin ni Fr. Delos Santos sa mananampalataya na patuloy makihati sa krus na pinapasan ni Kristo at maging kaisa sa misyon ng pagpapalaganap ng kabutihan at Mabuting Balita ng Panginoon sa sanlibutan.
Ang AVOSA ay mga simbahang katolika sa United Arab Emirates, Oman at Yemen kung saan mayorya ay mga Muslim.
Sa ika- 9 ng Enero inaasahan ang 20 milyong deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ang makiisa sa Traslacion mula sa Quirino Grandstand patungong Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church.