485 total views
Ikinagalak ng mananampalataya at deboto sa Sto. Niño de Taguig Parish sa Signal Village, Taguig City ang pagdalaw ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Pinangunahan ni Fr. Daniel Estacio, kura paroko ng parokya ang pagtanggap sa imahe.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Fr. Estacio na mapalad ang parokya ng Sto. Niño de Taguig dahil napili itong bisitahin ng Poong Nazareno bilang bahagi ng pagdiriwang sa kapistahan.
Ayon pa sa pari, dahil sa pagdalaw ng Poong Nazareno sa kabila ng pandemya, nagdulot at nagbigay ito sa mga mananampalataya ng kalakasan, katatagan ng loob at nagpalalim pa lalo sa pananampalataya ng bawat isa.
“Masayang masaya po kami sapagkat sa panahon ngayon ng pandemya ay dinalaw po kami upang bigyan ng lakas, bigyan ng tatag, bigyan ng mas malalim na pananampalataya’t kumapit sa kanya. Sabi nga lakasan natin ang ating loob. Huwag tayong matakot, kasama natin si Hesus,” pahayag ni Fr. Estacio sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi rin ni Fr. Estacio na bukod sa mga mananampalataya ng parokya ay marami ding mga parokya na sakop din ng Diocese ng Pasig at karatig pang lugar ang bumisita upang silayan at hingin ang pagpapala’t pagbabasbas ng Poong Nazareno.
Dalangin naman ni Tito Villanueva, 20-taon nang deboto ng Poong Hesus Nazareno ang kapayapaan at pagkakaisa ng mga Taguigeño ngayong nahaharap ang lahat sa banta ng virus at iba pang hamon ng buhay.
Hiling din ni Villanueva sa kapwa mga ka-deboto na isapuso, isaisip at buong loob na idalangin ang kanilang panata sa Mahal na Poong Nazareno.
“Ang masasabi ko lang [ay] kapayapaan, pagkakaisa ng mga Taguigeño at tsaka ‘yung nararapat gawin, ‘yung pagsamba ay isapauso at isaisip. Buong loob [na] ipanalangin nila ang kanilang panata,” pahayag ni Villanueva sa panayam ng Radio Veritas.
Bagamat maraming mga bumibisita sa parokya ay mahigpit pa ring ipinapatupad ang health protocols upang matiyak ang kaligtasan mula sa panganib na dala ng coronavirus disease.