14 total views
Pinaalalahanan ng pamunuan ng Sto. Niño de Pandacan Parish ang mananampalataya na buhay ang pag-asang hatid ni Hesus sa sanlibutan.
Ayon kay Fr. Andy Ortega Lim, kura paroko ng parokya na hindi pinababayaan ng Diyos ang tao sa paglalakbay sa mundo sapagkat ibinigay nito si Hesus upang tubusin ang sangkatauhan.
“Paalala sa atin na sa ating paglalakbay sa buhay laging may pag-asa sapagkat kasama natin ang Mahal na Poong Santo Niño, sa lahat ng hinaharap at pinagdadaanan natin hindi tayo nag-iisa may pag-asa,” pahayag ni Fr. Lim sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng pari na sa lahat ng pagkakataon ay nakilakbay ang Diyos sa tao kaya’t hindi dapat mangamba sa halip ay patuloy na magtiwala sa dakilang habag at awa ng Panginoon upang mapagtagumpayan ang anumang kinakaharap na suliranin at pagsubok sa buhay.
Sinabi ni Fr. Lim na sa pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Niño ngayong taon ay nanatiling pag-asa ang hatid nito sa sanlibutan tulad ng tema ng Jubilee Year ng simbahang katolika na ‘Pilgrims of Hope’ na isang magandang paalala sa mamamayan lalo na sa mga pinanghihinaan at nawawalan ng pag-asa sa buhay.
Hinimok ni Fr. Lim ang mamamayan na mas palalimin ang debosyon sa batang Hesus bilang pasasalamat sa walang hanggang awa at pag-ibig sa tao.
Matatandaang nasunog ang simbahan noong July 10, 2020 dahil sa faulty wiring at kasalukuyang sumailalim sa reconstruction na ayon kay sa kura paroko ay bahagi ng pag-asa ng simbahan na bagamat dumaan sa trahedya ay muling makababangon dahil sa pagtutulungan ng mamamayan.
Kabilang sa napinsala ng sunog ang Tres Potencias ng 400-year old na imahe ng Sto. Nino o ang andador, globo at krus na bitbit ng batang Hesus.
Pinasalamatan ni Fr. Lim ang bawat sumusuporta sa proyektong pagpapagawa ng simbahan kung saan nakadambana ang patron ng Pandacan Manila.
“Salamat po sa mga taong patuloy tumatangkilik, sumusuporta at patuloy ang aking paanyaya na inyong tulungan pa ang ating ginagawang simbahan hindi lang po ito simbahan ng taga Pandacan kundi simbahan po ito ng bawat deboto kay Hesus kaya pagtulungan po natin,” ani Fr. Lim.
Sa mga nais magbahagi ng kanilang tulong makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng parokya sa telepono 02-8563-3211 o bisitahin ang kanilang official facebook page na https://www.facebook.com/stoninodepandacanparish para sa karagdagang detalye.