427 total views
Tiniyak ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pakikiisa sa mga may karamdaman.
Ito ang mensahe ng Santo Papa sa pagdiriwang ng 30th World Day of the Sick at kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes.
Batid ni Pope Francis na bukod sa kalingang medikal mahalaga rin ang espiritwal na paggabay ng mga mahal sa buhay.
“I would like to remember our dear people who are sick, so that all may be assured of health care and spiritual accompaniment,” mensahe ni Pope Francis.
Tinukoy ng Santo Papa ang halos kalahating bilyon na mga mamamayang nahawaan ng COVID-19 sa buong mundo kung saan patuloy pa rin ang paglaban at paghahanap ng lunas sa pamamagitan ng malawakang pagbabakuna.
Bukod dito dalangin din ni Pope Francis ang kalakasan ng mga nangangalaga sa mga may karamdaman upang makapagbigay ng wastong kalinga at aruga higit sa lahat ang pag-asang gumaling.
“Let us pray for these brothers and sisters of ours, for their families, for health and pastoral workers, and for all those who care for them,” saad ng Santo Papa.
Taong 1992 nang pasimulan ni Saint John Paul II ang World Day of the Sick upang himukin ang mananampalataya, Catholic health institutions at ang lipunan na maging aktibong tagapangalaga sa mga may karamdaman.
Kasabay nito ang panawagang ipanalangin ang lahat ng nakararanas ng iba’t ibang uri ng sakit na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa mga tahanan at mga pagamutan.
Ilalaan naman ng Radio Veritas 846 ang February 11 para sa ‘Day of Healing and Deliverance’ sa mga misang pangungunahan ng healing priests sa alas dose ng hatinggabi, alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali at alas sais ng hapon.