12,890 total views
Muling umapela ang Kanyang Kabanalan Francisco sa world leaders kabilang na ang mga magkatunggaling mga bansa na wakasan ang anumang karahasang nagdudulot ng kahirapan sa mundo.
Ayon sa santo papa dapat patuloy na isulong ang pakikipag-ugnayan ng bawat bansa para sa interes ng nakararami gayundin ang pagpapalaya sa mga dinukot na indibidwal lalo na sa Holy Land.
“I appeal that negotiations not be stopped and that the fire be immediately ceased, that the hostages be released, that assistance be given to the population in Gaza, where many diseases are also spreading, including polio,” bahagi ng pahayag ni Pope Francis.
Nangangamba si Pope Francis na lumaganap pa sa ibang lugar sa Palestine ang digmaan sa pagitan ng Hamas at Israel na labis na magdudulot ng pinsala sa lipunan at pagkasawi sa mga inosenteng sibilyan.
Makalipas ang halos isang taong sagupaan ng Hamas at Israel sa Gaza Strip iniulat ng Gaza Health Ministry ang humigit kumulang 40, 000 Palestinians ang nasawi habang ayon sa Israel mahigit isanlibo naman sa kanilang panig.
Umaasa rin si Pope Francis na palayain ang mga binihag na indibidwal upang ligtas na makabalik sa kani-kanilang mga kaanak.
Kamakailan lang ay natagpuan ng Israeli forces ang anim na bangkay ng mga hostages underground tunnel ng Rafah sa southern Gaza na ayon kay Israel Defense Forces Spokesperson Rear Adm Daniel Hagari brutally murdered ng Hamas ang mga biktima.
Nanindigan naman ang Hamas militant na ang pagkasawi ng mga hostages ay bunsod ng pagtanggi ng Israel na lumagda sa ceasefire deal.
Binigyang diin ng santo papa na mahalaga ang pagtutulungan ng bawat mananampalataya lalo na sa pananalangin upang iiral sa Holy Land ang kapayapaan gayundin sa iba pang lugar sa daigdig na may digmaan tulad ng Ukraine at iba pang bansa sa Middle East.
Patuloy na idinulog ni Pope Francis sa kalinga ng Mahal na Birheng Maria ang kapayapaan sa buong daigdig gayundin ang patnubay ng Espiritu Santo sa bawat pamayanan.