27,118 total views
Nagpaabot ng pagkilala at pasasalamat ang Santo Papa Francisco sa patuloy na pagsusumikap ng mga Pilipino na maging taga-pagpalaganap ng ebanghelyo.
Ito ang ibinahagi ni Vatican Secretary General of the Synod of Bishops Cardinal Mario Grech sa kanyang keynote address sa unang araw ng three-day Philippine Conference on New Evangelization (PCNE X) sa University of Santo Thomas mula ika-19 hanggang ika-21 ng Enero, 2024.
Ayon sa opisyal ng Vatican, dalawang araw bago ang kanyang pag-alis sa Roma patungo ng Pilipinas ay kanyang personal na nakausap ang Santo Papa Francisco na nagpaabot ng pagkilala sa pambihirang pagsusumikap ng mga Pilipino na magsilbing katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita at misyon ni Hesus sa daigdig.
Ibinahagi ni Cardinal Grech na kaakibat ng pasasalamat at pagkilala ni Pope Francis sa mga Pilipinong Katoliko ang suporta at panalangin upang higit pang mapag-alab at hindi matakot na ipinagpatuloy ang misyon ng ebanghelisasyon saan mang ibayo ng daigdig.
“Two days ago I met the Holy Father and I told him that I was coming to meet you for this experience and he told me to extend to you his personal gratitude for all the work you are doing to announce the Gospel, to help Jesus to meet today’s society and the Holy Father would like to encourage you not to be afraid to cross to the other side.” Ang bahagi ng mensahe ni Cardinal Grech.
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advicula ang pagdiriwang ng banal na misa sa pagsisimula ng PCNE X sa University of Santo Tomas, Quadricentennial Pavillion habang nagsilbi namang tagapagbahagi ng pambungad na talumpati para sa mga delegado si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.
Tampok sa unang araw ng PCNE 10 ang keynote address ni Vatican Secretary General of the Synod of Bishops Cardinal Mario Grech kaugnay sa paksang “Synodality—A synodal Church in Mission” kung saan binigyang diin ng opisyal ang kahalagahan ng pagiging bukas sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor upang ganap na matutukan ng Simbahan ang mga mahahalagang usapin sa lipunan.
Tema ng PCNE 10 na paggunita din sa unang dekada ng gawain ang ‘Salya: Let us cross to the other side’ na hango sa ebanghelyo ni San Marcos kabanata apat talata 35.
Unang isinagawa ang PCNE taong 2013 sa pangunguna ng noo’y Arsobispo ng Manila na si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle, pro-prefect ng Dicastery for Evangelization bilang tugon sa panawagang New Evangelization ng Simbahang Katolika.