355 total views
Nagpaabot ng panalangin at pakikiramay ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mga Filipino partikular na sa pamilya Aquino kasunod ng pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III noong ika-24 ng Hunyo, 2021.
Sa mensaheng ipinaabot ng Santo Papa sa Malacañang ay ibinahagi ni Pope Francis ang kanyang buong pusong pakikiramay sa pagpanaw ng dating pangulo ng Pilipinas.
“Saddened to learn of the death of former President Benigno Simeon C. Aquino III. I extend my heartfelt condolences to the people of the Philippines.” Ang bahagi ng ipinaabot na mensahe ni Pope Francis sa pamamagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaalala rin ni Pope Francis ang naging serbisyo ng dating Pangulong Noynoy Aquino na kanyang personal na nakaharap at nakadaupang palad ng dalawang beses noong 2015.
Tiniyak naman ni Pope Francis ang pananalangin para sa ikapapayapa ng kaluluwa ng dating pangulo sa piling ng Panginoon at maging ang katatagan ng kanyang mga naiwang kaanak at mahal sa buhay.
“Recalling the late President’s service to the nation, I commend his soul into the hands of the all-merciful God. Upon his family and all who mourn in his passing I invoke abundant consolation and peace in the Lord,” Dagdag pa ni Pope Francis.
Unang nagkaharap ng personal ang Kanyang Kabanalan Francisco at si dating Pangulong Noynoy Aquino noong Enero ng taong 2015 ng personal na nagtungo sa Pilipinas si Pope Francis para sa kanyang Apostolic Visit upang ipadama sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda ang habag at awa ng Panginoon.
Sinundan naman ito ng muling pagkikita ng dalawang opisyal noong Disyembre ng parehong taong 2015 ng magtungo sa Vatican si dating Pangulong Aquino kung saan natalakay ng dalawa ang mga usapin ng kapayapaan sa Mindanao, Climate Change at patuloy na rehabilitation sa mga biktima ng super Typhoon Yolanda.
Una ng pinasalamatan at kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines si dating Pangulong Noynoy Aquino sa naging buong suporta nito sa Simbahang Katolika lalo na sa mahahalagang gawain tulad ng Canonization ni Blessed Pedro Calungsod noong 2012, Apostolic Visit ng Kanyang Kabanalan Francisco noong 2015, at 51st International Eucharistic Congress sa Cebu City noong 2016.
Pumanaw ang 61-taong gulang na si dating Pangulong Aquino ganap na alas-sais y medya ng umaga noong Huwebes ika-24 ng Hunyo, 2021 dahil sa renal disease secondary to diabetes.