350 total views
Nagpaabot ng paunang tulong pinansyal ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mga mamamayang nasalanta ng bagyong Odette noong Disyembre.
Sa pamamagitan ng Dicastery for Promoting Integral Human Development at pakikipagtulungan ng Apostolic Nunciature in the Philippines naglaan ng 100-libong Euro si Pope Francis o katumbas sa mahigit limang milyong piso para sa rehabilitasyon ng mga nasirang tahanan at simbahan sa mga lalawigang labis napinsala ng kalamidad.
Ito ay pakikiisa ng Santo Papa sa kahirapang naranasan ng mamamayan bilang pinunong pastol ng simbahang katolika.
“It is intended to be an immediate expression of the Holy Father’s sentiment of spiritual closeness and paternal encouragement towards the people and territories affected,” ayon sa pahayag ng Vatican.
Matatandaang sa Angelus ng Santo Papa noong December 19, 2021 agad itong nagpaabot ng panalangin para sa mga biktima ng sakunang dulot ng malakas na bagyo kung saan halos sampung milyong indibidwal ang naapektuhan.
Sa kasalukuyan puspusan din ang pagkilos ng social arm ng simbahan kabilang na ang Caritas Philippines at Caritas Manila para sa relief, rehabilatation at reconstruction sa sampung diyosesis na labis ang pinsalang natamo.
Umaabot na sa 20-milyong piso ang naibahagi ng Caritas Manila na cash assistance sa mga apektadong lugar kabilang na ang Diyosesis ng Surigao, Tagbilaran at Talibon sa Bohol, Maasin, Cebu, Kabankalan at Dumaguete sa Negros provinces, Taytay at Puerto Princesa sa Palawan at ang Archdiocese of Cagayan De Oro.
Patuloy naman ang Caritas Philippines sa paglilibot sa mga apektadong lugar sa pangunguna ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang national director ng grupo upang personal na mag-abot ng tulong pinansyal at alamin ang lawak ng pinsala para sa pagtugon ng simbahan.