313 total views
Nagpasalamat ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mga nagpaabot ng panalangin para sa kanyang agarang paggaling. Ito ang ibinahagi ni Vatican spokesman Matteo Bruni makalipas ang tatlong araw mula nang ma-ospital ang Santo Papa dahil sa opera sa colon.
“Pope Francis is touched by the many messages and the affection received in these days, and expresses his gratitude for the closeness and prayer,” bahagi ng pahayag ni Bruni.
Ibinahagi pa ng tagapagsalita na nasa maayos na kalagayan si Pope Francis at kasalukuyang nagpapagaling sa Gemelli University Hospital sa Roma.
Sinabi pa ni Bruni na maayos na ring nakakain ang Santo Papa habang pansamantalang ipinagpaliban ang infusion therapy.
Inopera ang pinunong pastol ng simbahan sa colon noong Hulyo 4 dulot ng diverticulitis kung saan tumagal ng tatlong oras ang pag-opera kabilang na ang hemicolectomy o ang pagtanggal sa isang bahagi ng colon.
Ibinahagi pa ni Bruni sa publiko na kumpirmadong ‘severe diverticular stenosis with signs of sclerosing diverticulitis’ ang resulta sa final histological examination.
Ito ang kauna-unahang major operation ni Pope Francis sa loob ng walong taong paninilbihan bilang punong pastol ng simbahan maliban sa cataract operation noong 2019.
Nagpaabot naman ng panalangin ang mga lider ng iba’t ibang pananampalataya, grupo at denominasyon kabilang na si Pope Emeritus Benedict XVI sa dagliang paggaling ni Pope Francis mula sa karamdaman. Inaasahang mananatili pa ng pitong araw ang Santo Papa sa pagamutan para tuluyang gumaling.