479 total views
Personal na nilagdaan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang larawan ng Pontificio Collegio Filippino sa naganap na Private audience noong nakaraang Marso, 2021.
Dinala ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle ang Prefect of the Congregation of the Evangelization of Peoples ang naturang larawan sa Vatican kasabay ng kanyang regular na pakikipagpulong sa Santo Papa.
Kaakibat ng larawan ang letter of request ni Pontificio Collegio Filippino Rector Rev. Fr. Gregory Ramon D. Gaston na nasa salitang Espanyol.
Nasasaad sa liham ang muling pagpapasalamat ng Pontificio Collegio Filippino sa naganap na Private audience kasama si Pope Francis noong ika-22 ng Marso, 2021.
Ito ay maituturing na isang pambihirang pagkakataon hindi lamang para sa paggunita ng ika-500 anibersaryo ng pananampalatayang Kristiyano ng mga Filipino kundi maging para sa pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma.
Ang larawan ay may laking 50 x 76 cm (20 x 30 inches) kung saan makikita sa ibabang-kanang bahagi nito ang “Franciscus” na lagda ng Santo Papa Francisco.
Ihahanay ang naturang larawan ng Pontificio Collegio Filippino kasama si Pope Francis sa mga nakaraang larawan ng nakalipas na private audiences ng Pontificio Collegio Filippino kasama si St. Pope John Paul the 2nd noong 2001 na ika-40 anibersaryo ng Pontificio Collegio Filippino at ika-50 anibersaryo nito noong 2011 kasama naman si Pope Emeritus Benedict the 16th.