230 total views
Pag-uusap ng isang ama sa kanyang pamilya.
Ganito inilarawan ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang pakikipagpulong ng mga Obispo ng Luzon kay Pope Francis Kabanalan sa kanilang ‘Ad Limina Visit’.
Inihayag ni Bishop Santos na sinariwa ng Santo Papa sa Luzon Bishops ang magandang karanasan nang bumisita ito sa Pilipinas noong 2015 kung saan personal na nasaksihan ang masidhing pananampalataya ng mga Filipino.
“It is indeed a grace to meet our beloved Pope Francis. The meeting was so personal, like a family gathered around with the father. Like a caring father, without prepared text, Pope Francis spoke from his heart, recalling the deep faith of Filipinos shown during the his papal visit, repeating with smiles the endearment of Filipinos with our “Lolo Kiko,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sa pagtatagpo ng mga Obispo sa Pinunong Pastol ng Simbahang Katolika, malaya ang bawat isa na nagtanong kung saan pinakikinggang mabuti at malugod na sinagot ni Pope Francis ang bawat katanungan.
Muling inihayag ng Santo Papa ang kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa at paglilingkod sa Simbahan partikular ang pagkalinga sa mga maliliit at tagapagtanggol sa mga walang boses sa lipunan.
“Our Holy Father always speaks of love and service of the Church. To love is to serve. To serve is to love especially the voiceless and the vulnerable,” saad ni Bishop Santos.
PAGPAPAHALAGA SA MGA MIGRANTE AT REFUGEES
Dahil dito, tiniyak ni Bishop Santos bilang pinuno ng CBCP – ECMI ang patuloy na paglilingkod at pagkalinga sa mamamayan partikular sa mga migrante at mga refugees tulad ng pagpapakita ng suporta ni Pope Francis sa kanilang sektor.
Sinabi ng Obispo na bilang isang mabuting pastol sa kawan ng Panginoon, mahalagang maiparamdam sa mga nangangailangan ng kalinga ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan.
“On my part, I impart that as bishop for the pastoral care migrants and as ICMC coordinator for Asia, the gratitude and appreciation of migrants and refugees for his concern and compassion for them, he gives them a voice and being the voice of migrants and refugees,” saad pa ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Batay sa pag-aaral ng United Nation Refugees and Migrants mahigit sa 285 milyon na ang bilang ng mga migrante sa buong mundo kabilang na dito ang mahigit sampung milyong Overseas Filipino Workers sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na naghahanapbuhay malayo sa kanilang pamilya dahil sa kawalang sapat na kita at oportunidad sa sariling mga bansa.
Samantala naitala naman ang 65.6 na milyong mga refugees noong 2017 na napilitang umalis sa kanilang mga bansa dahil sa kaguluhan, karahasan at kawalang paggalang sa karapatang pantao.
Ibinahagi pa ni Bishop Santos na si Pope Francis ang nangunguna sa pananawagan sa mga namumuno sa bawat bansa na protektahan ang mga migrante at refugees at buong pusong tanggapin sa komunidad.
“With him [Pope Francis], he awakens the conscience of leaders to welcome, to protect and to promote the rights and wellbeing of migrants and refugees,” sinabi pa ng Obispo.
Matapos ang pulong ng mga Obispo kasama ni Pope Francis, ipinapanalangin nito ang Pilipinas kasabay ng kahilingang patuloy ipagdasal ang kanyang pamamahala sa Simbahang Katolika na may 1.3 bilyong kasapi sa buong mundo.