722 total views
Umapela ang Kanyang Kabanalan Francisco sa lahat ng lider ng bawat bansa at maging sa mga kapwa lingkod ng simbahan na patuloy isulong ang hakbang tungo sa pagkakamit ng kapayapaan sa lipunan.
Ito ang mensahe ng Santo Papa sa ika – 55 World Day of Peace na ipagdiriwang ng Simbahan sa January 1, 2022.
Binigyang-diin ni Pope Francis ang kahalagahan ng pakikipagdiyalogo sa lahat ng sektor upang matamo ang pagkakaisa ng mamamayan.
“To government leaders and to all those charged with political and social responsibilities, to priests and pastoral workers, and to all men and women of good will, I make this appeal: let us walk together with courage and creativity on the path of intergenerational dialogue, education, and work,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Tinuran ng Santo Papa na bukod sa diyalogo mahalagang sangkap din sa pagkakamit ng kapayapaan ang wastong edukasyon at pagtiyak sa karapatan ng bawat manggagawa sa lipunan.
Ikinalungkot ng pinunong pastol ng Simbahang Katolika ang pagbawas ng pondo sa edukasyon na maghuhubog sa mamamayan.
“It is high time, then, that governments develop economic policies aimed at inverting the proportion of public funds spent on education and on weaponry; It is my hope that investment in education will also be accompanied by greater efforts to promote the culture of care,” dagdag ng Santo Papa.
Matatandaang 2019 nang pormal na ihinto ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang kapayapaan sa pagitan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Patuloy ang panawagan ng Simbahan sa Pilipinas kabilang na ang iba’t ibang grupo na muling ibalik ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at makakaliwang grupo upang matamo ang pangmatagalang kapayapaan.
Dalangin ni Pope Francis na dadami ang mamamayang magtataguyod ng kapayapaan sa lipunan sa tulong at gabay ng Panginoon.
“May more and more men and women strive daily, with quiet humility and courage, to be artisans of peace. And may they be ever inspired and accompanied by the blessings of the God of peace!” ani ng Santo Papa.