214 total views
Tiniyak ni Father Alcris Badana – Social Action Center Director ng Archdiocese of Palo na magbibigay ginhawa sa mga typhoon Yolanda Survivors ang pabahay na ginagawa sa on-going project na Pope Francis for Resilient and Co-Empowered, Sustainable Communities o FRANCESCO.
Ayon sa Pari, nagkaroon ng mga public consultations at kasangkot sa pagpaplano ang mga kinatawan ng mga survivors na gagamit ng mga bubuuing bahay upang matiyak na naaayon ito sa kanilang pangangailangan.
Sinisiguro din ni Father Badana na hindi masasayang ang pondong ibinibigay ng kanilang mga donors dahil kongkreto, matibay, at hindi substandard ang mga gagamiting materyales sa mga bahay na itatayo sa Pope Francis Village.
“We have all considered the standards for resiliency even yung suggested ng DSWD, so we even surpass the standard to assure na magiging safe yung families who will be assigned to these mga pabahay. It is very strong and maganda rin. Aside from that this is really a new image kaya kasama dito yung may access roads tapos electric lines, we even provide livelihood para din sa sustainability ng families,” pahayag ni Father Badana sa programang Barangay Simbayanan ng Radio Veritas.
Umaasa din ang pari na magsisilbing modelo ang Pope Francis Village para sa mga institusyon o sa pamahalaan na magtatayo din ng relocation houses.
Ayon sa pari mahalagang maging kaaya-aya, komportable at maginhawa para sa mga ire-relocate ang bahay na ipagkakaloob sa kanila upang hindi ito magdalawang isip sa pagtira sa kanilang magiging bagong bahay.
“Hopefully from this project if ever na there will be future projects na mga relocation site, ito ang maging modelo, para kung may mga projects na gagawin kung sino mang organization maybe private or government, puwedeng gamitin itong basis na ganito pala, para atleast yung mga mare-relocate hindi talaga magdadalawang isip pumunta kase alam nilang binibigyan sila ng komportableng bahay,” dagdag pa ni Father Badana.
Ang Pope Francis Village ay isang on-going project na kinabibilangan ng iba’t-ibang institusyon ng simbahan, kasama ang Urban Poor Associates, Canadian Catholic Organization for Development and Peace, CBCP-NASSA, Redemptorist Community of Tacloban, at Archdiocese of Palo.
Sa kabuuan, sinabi ni Father Badana na aabot sa 550 units ng mga bahay ang nakatakdang itayo sa loob ng Pope Francis Village.
Bukod dito, magkakaroon din ng Plaza, isang bisita, commercial area at agricultural area para masuportahan ang kabuhayan ng mga typhoon Yolanda survivors.(Yana Villajos/Newsteam)