481 total views
Umaasa ang social arm ng Archdiocese of Cebu na maging matalino ang mamamayan sa paghalal ng mga lider sapagkat dito nakasalalay ang kinabukasan ng bansa.
Sa pahayag ng Cebu Caritas binigyang diin nitong hindi popularidad ang batayan sa pagpili ng mga lider kundi nararapat tingnan ang katangiang tinataglay upang matiyak na mapaglingkuran ang bayan.
“The May 9 national and local elections is not a popularity contest. It is about choosing the right people who are true servant leaders. They are the women and men who can rise above their own personal interests and put the welfare of the Filipino people above everything else. They are the principled public servants who believe in and practice the core values of good governance.” bahagi ng pahayag ng Cebu Caritas.
Ayon sa pahayag sapat ang panahon ng pangangampanya upang kilalanin at kilatisin ng 67-milyong botante ang bawat kandidato lalo na ang kanilang track record at plataporma.
Hamon ng institusyon sa mamamayan ang pagpili ng mga kandidatong ayon sa konsiyensya sapagkat bukod sa karapatan ang pagboto isa rin itong sagradong gawain para sa kabutihan ng nakararami.
“The electoral process is not merely an exercise of our sacred right and duty. Rather, it also speaks to us as a nation. The sanctity of the process should be respected. Our vote is our choice for hope—hope for a better Filipino nation,” dagdag ng institusyon.
Tiniyak ng Cebu Caritas ang pakikiisa sa sambayanang Pilipino sa pananalangin para sa matapat, maayos, makatotohanan, at mapayapang halalan sa ikasiyam ng Mayo.
Dalangin din nitong manaig ang katotohanan sa tulong at gabay ng Panginoon at mapigilan ang anumang banta ng pandaraya.
“We enjoin everyone to be vigilant, to pray, and to offer this particular intention for the success of the electoral process. We pray for an outcome that is truly reflective of the people’s will; May the hand of God stop the evil forces working to subvert the genuine aspirations of the electorate and defile the sanctity of the elections,” anila.
Makipagtulungan din ang simbahan sa Commission on Elections sa pagbabantay sa halalan sa tulong ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at ng Halalang Marangal 2022 ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.