223 total views
Naglabas ng position paper ang Philippine Action for Youth Offenders o PAYO at ang Child Rights Network laban sa pagpapababa ng edad ng mga batang mapaparusahan ng batas o juvenile delinquency.
Ayon kay Gerry Bernabe, Vice President ng PAYO, hindi makakapigil sa mga menor-de-edad na gumagawa ng krimen ang pagpapababa sa 9 na taong gulang ang minimum age of criminal responsibility.
Nakasaad din sa position paper na magdudulot lamang ito ng negatibong resulta at epekto sa mga bata maging sa publiko.
Mariing tinututulan ng grupo ang panukalang batas na siyang magdudulot ng patuloy na pagdami ng mga batang makukulong na makakasama ng mga pusakal na kriminal sa mga bilangguan.
“Lowering the age of criminal responsibility will result to negative consequences for children and the public. It will increase the number of children detained for long periods of time,making them more likely to become hardened offenders,”pahayag ng grupo.
Kaugnay nito, iminungkahi ng grupo na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang paghuli sa mga sindikatong gumagamit sa mga bata para gumawa ng krimen at hindi ang parusahan ang mga menor-de-edad.
“Lowering the MACR may also encourage syndicates to use even younger children in their criminal activities. Our focus should be on catching the adult syndicates instead of punishing the children. The children are easier to catch, but the root of the problem lies with the adults who use children for crimes, regardless of their age,”bahagi ng statement ng grupo.
Malaking alalahanin pa ng grupo ang malubhang sitwasyon ng mga kulungan sa bansa na hindi makatutulong sa mga bata na makukulong na makapagbagong buhay at mabigyan ng rehabilitasyon.
Ipinaalala ng grupo sa Kongreso na kinikilala ng ating konstituyon ang malaking gampanin ng mga kabataan sa lipunan na dapat isulong at protektahan ang kanilang moralidad, espiritwal na kabuuan ng pagkatao.
Umabot sa 31 ang mga signatories sa position paper kasama ang CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care.
Nabatid na 52.7-porsiyento ng mahigit sa 101-milyong Filipino ang kabuuang populasyon ng mga kabataan sa Pilipinas na dapat pahalagahan at pagyamanin.